Team USA dinurog ang China
LOS ANGELES -- Matapos ang Argentina, ang China naman ang sinagasaan ng Team USA, 106-57, sa kanilang tune-up game bilang paghahanda sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil sa Agosto.
Ang laro sa Staples Center, tahanan ng Los Angeles Lakers at Los Angeles Clippers, ay preview ng nakaiskedyul na bakbakan ng US at China sa Agosto 6 sa Rio Olympics.
Umiskor si Kevin Durant, lumipat sa Golden State Warriors mula sa Oklahoma City Thunder via free agency, ng 19 points.
Nagdagdag naman si Warriors sharp-shooter Klay Thompson ng 17 markers para sa US, tinalo ang Argentina, 111-74, kamakailan.
“We should have won, but the way we won was excellent,” wika ni US coach Mike Krzyzewski. “We’re really growing together as a group.”
Nag-ambag si DeMar DeRozan ng 13 points, habang humakot si DeMarcus Cousins ng 12 points at 7 rebounds.
Kumolekta naman si Yi Jianlian, naglalaro ngayon sa Chinese Basketball Association matapos maglaro sa apat na NBA team sa limang seasons, ng 18 points at 7 rebounds sa panig ng mga Chinese.
Si Yi ang bumandera sa China sa panalo laban sa Gilas Pilipinas noong 2015 Asia Championship para makuha ang Olympic berth.
Nalimitahan naman si 7-foot-1 Zhou Qi, ang 20-anyos na hinugot ng Houston Rockets sa nakaarang NBA Draft, sa 2 points sa loob ng 19 minutong paglalaro.
- Latest