Mananalo sa Crawford-Postol fight lalabanan ni Pacquiao sa Nobyembre 5?
MANILA, Philippines - Hindi man aminin ay nasa isip nina world light welterweight champions Terence Crawford at Viktor Postol ang tsansang makasagupa si Sen. Manny Pacquiao.
“I am not thinking about Manny Pacquiao at all,” sabi ng 28-anyos na si Crawford. “I am focusing on Viktor Postol, and that’s it. That is all.”
Magtutuos sina Crawford (28-0-0, 20 KOs) at Postol (28-0-0, 12 KOs) para sa kanilang unification fight ngayon sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Nauna nang sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na ang mananalo sa bakbakan nina Crawford at Postol ang maaaring sagupain ng 37-anyos na si Pacquiao para sa comeback fight nito.
Itinakda na ni Arum ang muling pag-akyat ni Pacquiao sa boxing ring sa Nobyembre 5 sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
“If Postol beats Crawford he has a big future, but I don’t know if it’s necessarily with Manny,” wika ni Arum. “Postol is so much bigger. It would be like Mutt and Jeff, and I don’t think it’s necessarily that good of a fight, but I’ll know a lot more after the fight on Saturday.”
“I’m not disregarding Postol, but I don’t think Postol versus Manny is surefire entertainment as Crawford against Manny. I think Crawford against Manny could be a sensational fight,” ani Arum.
Kamakailan ay pinabulaanan ni Pacquiao (58-6-2, 38 KOs) na nakausap niya ang 84-anyos na promoter para sa kanyang comeback fight.
“Wala pa kaming napag-uusapan ni Arum. If ever na lalaban ulit ako, sisiguraduhin kong bakasyon ang Senado,” sabi ng dating Filipino world eight-division champion.
Nagretiro si Pacquiao noong Abril 9 matapos talunin si Timothy Bradley, Jr. sa kanilang pangatlong paghaharap.
Ikinukunsidera rin ni Arum si WBO welterweight titleholder Jessie Vargas (27-1-0, 10 KOs) para makalaban ni Pacquiao.
“I also believe Pacquiao-Crawford would do appreciably better business than Pacquiao-Vargas,” sabi ni Arum.
Humingi na si Pacquiao ng payo kay Senate President Franklin Drilon kaugnay sa binabalak niyang pagbabalik sa boxing ring.
- Latest