Mavericks tinambakan ang Lakers
DALLAS – Ipinasa ni Dirk Nowitzki at ng Dallas starters ang trabaho sa kanilang mga reserves para tapusin ang pinakamataas na point total ng Mavericks sa mahigit na limang taon.
Umiskor si Nowitzki ng 23 points bago ipinahinga sa kabuuan ng fourth quarter at ginamit ng Mavericks ang kanilang highest-scoring offense sa pagpitas sa 140-106 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Ito ang pang-anim na sunod na panalo ng Mavericks at ikaapat na dikit naman kontra sa Lakers, giniba ng Dallas sa regular season sa unang pagkakataon sa 2013-14 season.
Nagtumpok sina Nowitzki, Monta Ellis at Chandler Parsons ng pinagsamang 23-of-33 fieldgoal shooting sa paglilista ng Mavericks ng season high sa points, shooting percentage (62 percent) at assists (37).
Nagdagdag si Parsons ng 21 points at may 20 si Ellis bukod sa 10 assists.
“We just moved the ball,” sabi ni Parsons matapos kunin ng Mavericks ang pinakamarami nilang puntos sapul nang gibain ang Phoenix, 140-116 noong Abril 5, 2009.
Hindi naglaro si Kobe Bryant sa nakaraang season nang matalo ang Lakers ng higit sa 140 points sa tatlo nilang laro sa isang buwan.
Tumapos si Bryant na may 17 points sa panig ng Lakers.
- Latest