PSN Opinyon ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

EDITORYAL - Pulbusin ang Sayyafna nasa Bohol

KAHAPON ay nasa Tagbilaran, Bohol si President Duterte at ipinag-utos niya na agarang hulihin ang mga natitira pang Abu Sayyaf sa pro­binsiya. Nag-offer ng P1 milyon sa bawat bandido ang Presidente. Sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa mga Abu Sayyaf na nasa Bohol ay makakatanggap ng P1 milyon ganundin naman kung sino ang makakapatay sa mga bandido. Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), pitong Abu Sayyaf pa ang nasa Bohol. Kabilang sa mga hinahanap ay sina Joselito “Alih” Milloria at mga miyembro na nakilala sa pangalang Richard, Asis, Ubayda, Poy, Saad at Amra. Si Milloria ang sina­sabing naging guide ng mga Abu Sayyaf para makapasok sa Bohol noong Abril 10.

Nagkaroon ng labanan at apat na Abu Sayyaf ang napatay, kabilang ang lider ng grupo na si Abu Rami. Si Rami ang sinasabing pumugot sa ulo ng German at Canadian hostages noong naka­raang taon. Malupit si Abu Rami na umano’y susunod sanang lider kay Radulan Sahiron. Nag-aral umano ng bomb making sa ibang bansa si Rami at nakikipag-alyansa sa ISIS terrorist group.

Ang pagpasok ng Sayyaf sa Bohol ay nabulgar nang magbabala ang United States sa kanilang mamamayan na iwasang magtungo sa Central Visayas sapagkat may intel report na may gagawing pagkidnap ang mga bandido. Kasunod na nagbabala ang Australia at Canada.

Kailangang malipol sa lalong madaling panahon­ ang pitong bandido na nasa Bohol sapagkat ma­aapektuhan ang pagtungo ng mga turista roon. Kilala ang Bohol sa may mataas na bilang ng mga dumadagsang turista. Hangga’t nasa Bohol ang mga bandido, magdadalawang-isip ang mga dayuhan kung magtutungo roon. Tama lamang ang inihayag ni Duterte na magbigay ng milyong pisong pabuya para sa mga makakahuli o magbibigay ng tip sa kinaroroonan ng mga bandido.

Dapat nang malipol ang mga bandido na ma­tagal nang nagbibigay ng problema sa bansa. Dapat nang wakasan ang kanilang kasamaan. Kung ma­aari, bombahin na ang Jolo na hideout ng mga bandido.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: