^

PSN Opinyon

‘Tenement’

BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

SOBRA-sobra na ang bilang ng mga nagtataasan at nagla­lakihang condominium building sa Metro Manila at sa mga karatig-probinsiya.

Sa kahabaan pa lang ng EDSA, kapansin-pansin na ang kaliwa’t kanang high-rise at high-density condominium units. Parang mga bahay ng kalapati sa liit ng mga patung-patong na kahon.

Hindi pa rito kasama ang mga itinatayo pa lang o pre-selling. Ini-endorso sa media ng kung sinu-sinong mga personalidad at sikat na artista na mala-5-star hotel at resort living kuno. Estratehiya ito ng mga developer para madaling makapagbenta. Pero kung susuriin hindi naman nila ito kayang panindigan.

Marami sa mga bumibili ngayon ng condo units pinauupahan na lang. Ang iba, tinitirhan lang sandali pero kalaunan, maghahanap na ng renter. Kaya ang nangyayari, dahil mas marami na ang mga nangungupahan, tumataas ang bilang ng gulo at away. Kung sinu-sino na ang mga nakatira at hindi na nila nalalaman ang mga nangyayari sa kanilang ari-arian.

Maraming ganitong problema ang inilalapit sa BITAG Headquarters ng mga dating bumili at nag-akalang masarap manirahan sa mga condo.

Pinagsisisihan na nila ang pagbili nila ng property dahil nakikita na nila ngayon ang iba’t ibang problema tulad ng problema sa kuryente, mga walang modong kapitbahay, problema sa seguridad at iba pa. Ang namamahala, habang tumatagal wala nang pakialam kaya gusto na nilang mag-alsa balutan. Sa ganitong mga senaryo, hindi malayo na sa mga susunod pang taon, itong mga low-end condo unit na ito maging sentro na ng krimen.

Hindi magtatagal, ang mga 5-star hotel living at resort living­ condo units kuno, magiging lungga na ng mga kriminal. Mapupuno ng mga graffiti, damit na mga nakasampay sa bintana at magiging mapanghi na parang halos isumpa mo nang huwag tirahan.

Tenement housing ang tawag dito. Pinabango lang ang tawag. Kunwaring condo pero ang ibang mga nakatira walang disiplina at walang modo

Paglilinaw. Hindi layunin ng kolum na ito na sirain ang industriya ng real estate development. Ito ay pagpipresenta lamang ng mga senaryo at sitwasyon.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with