PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Maute clan, nagpasaklolo sa EPD

MANILA, Philippines - Nagpasaklolo sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD) ang may 20-miyembro ng pamilya Maute, na kasalukuyan naninirahan sa mga lungsod ng Pasig, San Juan at Marikina dahil sa kanilang dinaranas na harassment.

Dumulog sila kay EPD Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula na tulungan sila upang matigil na ang harassment sa kanila, at nanawagan sa media na huwag nang gamitin ang kanilang apelyido sa pagtukoy sa grupo ng mga terorista, sa kanilang pagre-report.

Sa reklamo ng pamilya Maute, sinabi ng mga ito na simula nang sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City, ay nakakaranas na sila ng harassment mula sa ilang indibiduwal dahil lamang sa kanilang apelyido.

Maging ang mga anak nila ay hindi rin umano nakakaligtas sa pambu-bully ng kanilang mga kaklase, at walang magawa ang mga ito, kundi umiyak na lamang tuwing tinatagurian silang terorista ng mga ito.

Iginiit ng pamilyang Maute, na hindi nila kaanak, ang mga lider ng mga terorista, na mula sa Butig, Lanao del  Sur, habang sila ay mula naman sa malayong bayan ng Mulondo.

Hindi rin umano sila naghahasik ng kaguluhan at sa halip ay mga mamamayan silang sumusunod sa batas, at kumikita ng marangal, sa pamamagitan nang pagnenegosyo.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Anila, hindi nila nais na magkaroon ng kaguluhan sa Marawi City dahil maging sila ay biktima rin ng giyera.

Siniguro rin nila kay Sapitula na tutulong sila at makikipagtulungan sa pulisya sa lahat ng programa at proyekto nito para matiyak na ligtas ang Metro-East laban sa mga terorista at mga grupong kriminal.

Samantala, sa panig ni Sapitula, tiniyak nito sa pamilya Maute na naninirahan sa kanilang nasasakupan na tutugunan ang reklamo ng mga ito.

Inatasan niya ang lahat ng commander ng mga police community precincts (PCPs), gayundin ang hepe ng Women and Children’s Protection Division, na si P/Senior Inspector Myrna Diploma, na makipag-usap sa mga school principals upang itigil ang pambu-bully sa mga mag-aaral nilang may apelyidong Maute.

Pinayuhan din naman nila ang pamilya Maute na kaagad na i-report sa pulisya sa sandaling makaranas silang muli ng harassment at bullying para sa agarang aksyon dito. 

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: