Pulis sugatan sa anti-drug operation
BATANGAS, Philippines – Sugatan ang anti-drug police matapos mabaril sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Lemery, Batangas noong Sabado ng gabi.
Nagtamo ng tama sa dibdib na agad na isinugod sa Our Lady of Caysasay Hospital ang biktimang si PO3 Jeffrey Luce naka-assign sa Lemery police station.
Base sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Randy Peralta, Batangas police director, nagpanggap na poseur-buyer si PO3 Luce para bumili ng droga kay Carlo Hernandez ng Barangay 3.
Gayunman, nakatunog ang kapatid ni Carlo na si Jesus na pulis ang kanilang katransaksyon kaya niya pinaputukan si PO3 Luce.
Napag-alaman na si Jesus ay incumbent barangay kagawad nang maganap ang buy-bust operation.
Nakapiit na ang magkapatid na Hernandez kung saan nahaharap sa paglabag sa anti-drug law.
“Ito ay patunay na nagiging biktima rin ang mga pulis sa drug war operation at posibleng mapatay sa operasyon,” paliwanag ni Peralta.
- Latest