CPP-NPA nagdeklara ng 10-araw na ceasefire
MANILA, Philippines – Nagdeklara na rin kahapon ng 10-araw na unilateral ceasefire ang Communist Party of the Philippines –New People’s Army (CPP-NPA) para sa tradisyunal na pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ito’y bilang pantapat sa isang buwang unilateral ceasefire na idineklara ng pamahalaan at inianunsyo nina AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. at PNP officer-in-charge P/Deputy Director General Leonardo Espina noong Lunes.
Sa isang press statement ng CPP, inatasan nito ang lahat ng unit ng NPA at mga militia sa kanilang balwarte sa bansa na obserbahan ang 10-araw na ceasefire.
Alinsunod sa kautusan ng CPP Central Committee ang unilateral ceasefire ay oobserbahan mula alas -12:01 ng madaling araw sa Disyembre 24, 2014 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Disyembre 26, 2014.
Masusundan ito dakong alas-12:01 ng madaling araw ng Disyembre 31 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Enero 1, 2015 habang mula naman dakong ala-12:01 ng madaling araw sa Enero 15 hanggang bandang alas-11:59 ng gabi sa Enero 19, 2015.
Sa ilalim ng implementasyon ng unilateral ceasefire ay ipinagbabawal ng CPP sa NPA, ang kanilang armed wing ang paglulunsad ng mga opensiba o pag-atake laban sa puwersa ng AFP, PNP at maging sa mga instalasyon ng militar.
“This declaration is being issued in solidarity with the Filipino people in their observance of traditional holidays which coincides with the CPP anniversary celebrations on December 26,” anang CPP-NPA sa kanilang press statement.
“This ceasefire declaration is also being issued in deference to the upcoming visit of Roman Catholic patriarch Pope Francis which the Filipino people look forward to as an opportunity for religious celebration and to raise outstanding issues,” ayon pa sa komunistang grupo.
“All units of the NPA and people’s militia must always be prepared to take the option of engaging the aggressive units of the enemy in self-defense in order to prevent them from committing acts of brutality and repression with impunity,” dagdag pa ng CPP Central Committee.
- Latest