Lady Chiefs patuloy ang dominasyon
MANILA, Philippines — Dinomina ng defending women’s champion na Arellano University ang Lyceum of the Philippines University, 25-16, 25-17, 25-11, para makamit ang ika-limang sunod na panalo at ang solong pamumuno sa NCAA Season 93 volleyball tournament kahapon sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.
Muling nagpakitang-gilas ang rookie na si Necole Ebuen makaraang tumapos na may game-high na 11 points para pangunahan ang Lady Chiefs.
Nag-ambag ng tig-10 points sina team captain Mary Ann Esguerra, Regine Anne Arocha at Andrea Marzan, habang hindi gaanong naramdaman ang 2017 season Finals MVP na si Jocelyn Prado na nagtala lamang ng 3 points.
Nakakalas ang Arellano sa dating pagkakabuhol sa San Beda.
Samantala, kinumpleto ng University of Perpetual Help Lady Altas ang double kill matapos igupo ang Jose Rizal Lady Bombers, 25-21, 25-22, 14-25, 25-21.
Ang panalo ang ikatlong sunod at ikaapat ng Lady Altas na nag-angat sa kanila sa 4-1.
Pinangunahan nina Maria Lourdes Clemente at Cindy Imbo ang Lady Altas sa itinala nilang 19 at 18 points, ayon sa pagkakasunod.
“We are aiming for the semifinals so we have to be consistent right now,” sabi ni Lady Altas coach Macky Cariño. “We had a good defensive performance today, and so was our offense.”
Humataw si Dolly Grace Verzosa ng career-best na 21 points para sa Lady Bombers, bumagsak sa 2-3.
Napanatili ng Altas ang kanilang pangingibabaw sa men’s division matapos talunin ang Jose Rizal Heavy Bombers, 25-17, 25-16, 25-20.
Nagtala ng 10 hits at 3 blocks si Rommel Rosales, habang nagdagdag ng tig-12 points sina Joebert Almodiel at Rey Taneo upang mamuno sa Altas.
Dahil sa kabiguan ay nabaon ang Heavy Bombers sa ilalim ng team standings. (FMLumba)
- Latest