CSB Booters sinibak ang SBC
MANILA, Philippines — Sumandig ang College of St. Benilde sa kabayanihan ni substitute Wilmer Paolo Lopez upang mapatalsik ang dating kampeong San Beda College sa pamamagitan ng 1-0 panalo noong Miyerkules ng gabi sa kanilang do-or-die game sa NCAA Season 93 seniors football tournament sa Rizal Memorial pitch.
Isinalpak ni Lopez, pumalit kay Peter John Quilo sa ika-30 minuto ang maituturing na biggest goal ng kanyang collegiate career sa 85th minute upang ihatid ang Blazers sa best-of-three finals kontra sa Arellano University Chiefs na nauna nang umusad sa finals matapos gapiin ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 3-1 noong Lunes.
“I told them we can win this if we keep it close up to the last minute and I’m happy that we did,” pahayag ni CSB coach Marlon Maro.
Ang Game One ng finals ay ngayong 6:00 ng gabi.
Bunga ng natamong kabiguan, natapos din ang paghahangad ng Red Booters na maging most winningest team sa liga dahil nanatili silang magkatabla ng dating miyembro ng La Salle na may tig-21 titulo.
Hindi na sana dumaan sa do-or-die match ang San Beda at hindi nawala ang twice-to-beat advantage sa Final Four round makaraang magtapos na topseed sa eliminations kung nalaman lamang nila agad na hindi eligible para maglaro si midfielder Dane Peñaflor na may problema sa academics.
Ang pagkaka-forfeit ng dalawang laro kung saan ginamit si Peñaflor ang dahilan ng pagbagsak nila sa no. 4 spot na nagbigay naman sa St. Benilde ng bentaheng twice-to-beat. (FML)
- Latest