Buwenamanong panalo ng Baby Tamaraws
MANILA, Philippines — Inumpisahan ng Far Eastern University-Diliman ang kanilang back-to-back title bid sa pamamagitan ng 71-67 pagpapayukod sa De La Salle-Zobel noong Sabado ng hapon sa UAAP Season 80 juniors basketball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Nanguna sina LJ Gonzales, RJ Abarrientos at Xyrus Torres, mga holdovers ng last season’s championship team para sa Baby Tamaraws para malusutan ang matinding hamon ng Junior Archers.
Nasimulan din ni Goldwyn Monteverde sa pamamagitan ng panalo ang pag-upo niya bilang bagong head coach ng National University sa pamamagitan ng 107-69 pagpapataob sa University of the East.
Nagwagi din ang Ateneo sa pangunguna ni sophomore center Kai Sotto kontra sa Adamson, 82-64.
Pinasadsad naman ng University of Santo Tomas ang University of the Philippines Integrated School, 97-62.
Nagposte si Gonzales, ang Season 79 Finals MVP, ng 16 puntos, 7 assists at 6 rebounds habang nagdagdag sina Abarrientos at Torres ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa FEU.
Umiskor naman si Matthew Manalang ng 20 puntos kasunod si Rhayyan Amsali na may double-double 12 puntos at 10 rebounds para pangunahan ang panalo ng Bullpups.
Nagtala si Sotto ng 24 puntos, 12 rebounds at 7 blocks kasunod si SJ Belangel na may 22 markers para sa Blue Eaglets.
Samantala, pinamunuan naman ni John Cansino ang Tiger Cubs sa itinala niyang 28-puntos at 11-rebounds.
- Latest