LeBron James may bagong achievement
MANILA, Philippines - Labing isang taon matapos ang kanyang NBA playoff debut, si LeBron James ngayon ang bagong NBA all-time playoff scoring leader.
Inagaw ni James ang naturang karangalan makaraang isalpak ang isang 3-pointer sa huling 2:40 minuto ng third quarter sa Game Five ng Eastern Conference finals.
Ang nasabing tres ang nagbigay kay James ng 29 points para sa kabuuang 5,989 points sa kanyang postseason career at lampasan ang 5,987 points ni Michael Jordan na nanatiling nakatayo sa loob ng 19 taon.
Nakamit ni James ang scoring mark sa kanyang ika-212 game, samantalang nagawa naman ito ni Jordan sa 179 games niya.
Si Michael Jordan ay may 5,987 points kasunod sina Kareem Abdul-Jabbar (5,762), Kobe Bryant (5,640) Shaquille O’Neal (5,250) Tim Duncan (5,172), Karl Malone (4,761) Jerry West (4,457) Tony Parker (4,012) at Larry Bird (3,897).
Bago ang Game Five, sinabi ni James na kapag naungusan niya si Jordan ay ipagmamalaki niya ang naturang karangalan.
Mas marami ang NBA Finals appearances ni James kumpara kay Jordan ngunit lamang si Jordan sa paramihan ng championship rings (6-3), MVP awards (5-4) at regular-season scoring titles (10-1).
- Latest