Aces solo sa unahan
MANILA, Philippines - Matapos kunin ang isang 24-point lead sa third period ay hindi na nilingon pa ng Aces ang Bolts.
Dinomina ng Alaska ang fourth quarter patungo sa kanilang 105-64 paglampaso sa Meralco para angkinin ang solong liderato sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang pangatlong sunod na panalo ng Aces ni American head coach Alex Compton kasabay ng pagpigil sa Bolts ni mentor Norman Black.
“Our guys played fantastic,” bungad ni Compton sa kanyang post game interview. “It was just one of those games. We shot the ball really well.”
Mula sa 25-15 abante sa first period ay nakalayo ang Alaska sa Meralco ng 15-points, 44-29, 3:41 minuto ang oras sa second quarter.
Tuluyang ibinaon ng Aces ang Bolts sa pamamagitan ng pagposte ng malaking 27-point lead sa tatlong free throws ni RJ Jazul sa bungad ng final canto.
Itinala ng Alaska ang pinakamalaki nilang abante sa pagtatapos ng laro makaraang ikonekta ni rookie Rome Dela Rosa ang isang fastbreak basket.
Pinamunuan ni Vic Manuel ang balanseng atake ng Aces sa kanyang 17 points kasunod ang 16 ni Dondon Hontiveros, 11 ni rookie guard Chris Banchero at 10 ni Calvin Abueva.
Habang sinusulat ang balitang ito ay naglalaban pa ang Globalport at Purefoods kagabi. (RCadayona)
- Latest