Pangalawang Anino (185)
NAKABITIW sa mga batong kinakapitan si Nanette.
Nalaglag siya. Nadaanan pa niya ang halimaw na humila sa kanyang mga paa. Handa na si Nanette para sa kanyang kamatayan. Tanggap na niya. Kaya nga itinigil na niya ang pagsigaw.
Nagkaroon siya ng kapanatagan sa pagyakap sa kanyang wakas.
Pero may mga kamay na sumalo sa kanya bago siya bumagsak nang malakas sa mga malalaking bato sa ibaba. Dalawang matitipunong kamay.
At nakita niya ang mukha nito. Isang lalaki na pangahan, malalago ang mga kilay at may mga matang may awa kung tumitig.
Matikas din ito, puti ang short-sleeved na polo, puti rin ang pantalon na malambot ang tela.
Pamilyar kay Nanette ang mukha pero hindi niya maalala kung saan niya nakita.
Nakabitin muna siya sandali habang hindi pa naiaayos ng lalaking ito ang tayo niya sa malapad na bato na tinutuntungan din nito.
May edad na ang lalaki, puwede na niyang maging ama, halos kaedad ito ng kanyang Itay na si Roger.
Maingat siyang pinatayo ng lalaki sa bato na malapad. Ligtas na siya.
“Salamat po. Pero, saan po ba kayo nanggaling? Sa ibaba? Kaaakyat n’yo pa lang ho ba kaya hindi ko napansin na may umaakyat palang kasunod ko? Nakita n’yo po rin ba ang halimaw na humila sa mga paa ko? Saan po kaya nanggaling ang halimaw na ‘yon.”
Natawa ang lalaki, malamig ang boses nito. “Ang dami mo namang tanong, ineng. Pero okay lang ‘yan. Iniligtas kita dahil iyan ang misyon ko sa bundok na ito. Tulungan ang mga karapat-dapat.”
Natigilan si Nanette. “Alam n’yo ho, parang nakita ko na kayo. Sa aming lugar kaya? Hindi ko matiyak.”
“Tagaroon ako sa barangay mo. Magkabaryo tayo.”
“Pero lagi ho ba kayong nandidito? Lagi kayong umaakyat sa Puti?”
“Sige na, iha. Baka abutin ka ng dilim sa pag-akyat. Lagi kang magdadasal ng Ama Namin habang sinisikap mong marating ang tuktok. At kapag may halimaw uli na pipigil sa iyo, huwag kang matakot. Mga panakot lang sila ng kabilang panig. Dini-distract ka. Pero matapang ka at matiyaga. Mahihirapan silang takutin ka. “
ITUTULOY
- Latest