Pangalawang Anino (178)
HALOS lumuluhod na ang ama ni Arturo sa harapan ni Yawan. “Maawa ka, ineng. Siguro naman kahit may mga sungay ka at pula ang kulay ng balat mo, may puso ka pa rin kahit konti.”
“May puso naman ako! Pero kulay itim at may mga sungay din! Hahahaha! Kaya hindi marunong maawa at magmahal!”
“Bakit ka ba nagkakaganyan? Paano mo nagawang kamuhian ang mga kapwa mo tao?”
“Hindi ako ordinaryong tao! Espesyal ako!”
“Maawa ka, Yawan. Wala na talaga kaming pera ...”
“Eh de mangutang ka! O kaya ibenta mo ‘yang nalalabi pang palayan! Basta bigyan mo uli ako ng isang daang libong piso! Kundi ... tititigan ko na ang luntiang palayan mo!”
“Huwag, huwaaag!”
“Naiinip na ako, tanda! Mukhang nagsasayang lang ako ng oras sa ‘yo, ha?”
“Dadating na si Arturo! Siya ang makikiusap sa ‘yo!”
“Hindi ko kailangan ang pakiusap niya! Pera ang gusto ko! Peraaa!” At galit na tinitigan ni Yawan ang palayang napakasigla. Parang baliw na napasigaw ang ama ni Arturo. “AAAHHHHHH! Huwag mong sunugin! Huwag mong sunugiiiin!”
Tawa pa nang tawa si Yawan habang sinisiritan ng apoy mula sa mga mata ang palayan nina Arturo at ama nito.
At agad na namang sumiklab ang palayan. Lumaki nang husto ang apoy. Mabaliw-baliw naman ang matanda.
“Huwaaag! Utang na loob, maawa kayo sa mga palay! Ang tagal naming inalagaan ang mga iyan!”
“Eh, de mag-alaga kayo uli! Problema ba ‘yon?”
Bumungisngis pa si Yawan, tinu-torture talaga ang matanda.
“YAWAN!” Dumating na si Arturo kasama ang mga pulis. At si Nanette ay katabi ni Arturo, magkahawak-kamay ang dalawa. Lalo lang nabuwisit si Yawan. Punung-puno ng selos at galit habang nakatingin kina Nanette at Arturo. At ibinalik ang mga mata sa palayan. Pinasiritan na naman ng apoy. Mas makapal na apoy na sumasagitsit mula sa mga mata ni Yawan.
Nabaliw na yatang tuluyan ang matandang ama. “Tama naaaa! Hahaha! Ang galing! Ang galing ng apoy sa palayan ko, o! Hahahaaaa!”
Saka tumutok ng baril ang mga pulis kay Yawan. “Itigil mo ang apoy kundi babarilin ka namin!” Banta ng hepe. Itutuloy
- Latest