House of Death (114)
MALUNGKOT na bumuntong-hininga ang bata pang pari. “Actually, mga kaibigan ng pamilya ni Benilda ang mga ‘yon. Tumira sila doon dahil daw nagpakita sa kanila ang kaluluwa ni Benilda. Nakiusap na tirhan at alagaan ang kanilang mansiyon. Pero sobrang salbahe ang mga bad spirits sa mansiyon. Walang nakakatagal.”
“Parang hindi na nga rin kami makakatagal, e. Father, tatlong tao na ang namatay dahil sa laban ng mabuti at masamang puwersa. Sumali na nga ang demonyo. Salamat na lang at hindi naman kami pinabayaan ng Diyos.”
“Talagang magkalaban ang mga element at puwersa sa mansiyon nina Benilda. Mabait na multo si Benilda.”
Napayuko si Mario. “Tulad ng tao, nagagalit din ho kahit mabait na multo. Gumaganti rin. Nakakasakit na. Nagpapahirap na.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
At ikinuwento ni Mario sa batang pari kahit maikli lang ang bagong naganap kina Benilda.
“Nasaan na ngayon ang mga batang nakapasan sa kanila?”
“Ha? Akala ko naririto lang sila sa likuran ko. Nawala pala?”
“Nang pumasok ka dito, ikaw lang mag-isa. Wala kang kasama.”
“Father, baka kung ano na ang ginawa nina Benilda sa mga bata! Teka ho, pupuntahan ko sa labas. Hahanapin ko sila!”
“Sige, sasama na ako!”
Nagmadaling lumabas si Mario kasama ang pari.
“Mga bata! Nasa’n na ba kayo? Okey lang ba kayo, ha?”
“Wala sila dito sa gilid ng simbahan, puntahan natin sa harapan.”
Panay pa rin ang tawag ni Mario. “Mga bata! Benilda! Utang na loob, Benilda ... huwag kang gumawa ng masama sa mga bata. Hindi pa ba sapat ang pahirap mo sa kanila?”
Nakarinig si Mario at ang pari ng tawanan. Mga tawanan ng mga teenagers na lalaki.
At nakita nila ang tatlong anak nina Temyong at Azon. Napatanga si Mario.
“Mang Mario! Masaya lang ho kami kaya nagku-contest ng pagtakbo ng mabilis! Kasi po, tingnan ninyo ... hindi na kami kuba!” - ITUTULOY
- Latest