Rubber Match
Racal humirit pa sa Cignal-SBC
MANILA, Philippines - Buhay pa ang Racal Ceramics nang iselyo nito ang mainit na 100-90 panalo laban sa Cignal-San Beda upang maipuwersa ang rubber match sa PBA D-League Aspirants’ Cup best-of-three championship series kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sumandal ang Tile Masters sa beteranong sina Rey Nambatac at Jackson Corpuz upang pigilan ang paghahabol ng Hawkeyes sa huling bahagi ng laro.
Nagpasabog si Nambatac ng 24 puntos, apat na rebounds, tatlong steals at dalawang assists habang nagtala naman si Corpuz ng double-double ng 20 markers at 11 boards.
“We had a good start and identified their big three--Jason Perkins, Robert Bolick and Javee Mocon. Magandang bagay na na-limit namin sila. It’s a big thing for us that those three played below average today,” pahayag ni Tile Masters head coach Jerry Codiñera.
Nagdagdag naman si Kent Salado ng 15 points habang umariba si Joseph Gabayni ng siyam na markers at 10 rebounds para sa balanseng atake ng Racal.
Nakawala sa Tile Masters ang 19 puntos na kalamangan, 57-38 sa second quarter matapos magsanib puwersa sina Perkins at Bolick para makabalik sa porma ang Cignal sa 67-62 may 4:02 pang nalalabi sa ikatlong kanto.
Subalit agad na nagtulong sina Corpuz at Salado nang pangunahan nito ang 14-7 atake para muling ilayo ang Tile Masters, 81-69.
“Dapat handa ka whenever they go on a surge. We have to arrest that and today, nagawa naman namin,” ani pa ni Codiñera.
Nanguna si Bolick para sa Hawkeyes ng magtala ito ng 18 points, 10 rebounds at limang assists habang nagdagdag si Pamboy Raymundo ng 17 mula sa 3-of-8 shooting clip sa three-point area.
Itinanghal na Aspirants’ Cup Most Valuable Player si Bolick matapos magtala ng averages na 12.2 points (49.50 field goal percentage), 3.6 rebounds, 3.3 assists at 1.2 steal.
RACAL 100 - Nambatac 24, Corpuz 20, Salado 15, Gabayni 9, Torres 8, Capacio 5, Dagangon 5, Flores 4, Onwubere 4, Cabrera 3, Mangahas 3, Gabawan 0, Gumaru 0, Terso 0.
CIGNAL 90 - Bolick 18, Raymundo 17, Perkins 13, Potts 11, Bringas 8, Mocon 7, Villarias 7, Adamos 3, Arboleda 3, Oftana 3, Arong 0, Batino 0, Cahilig 0.
Quarters: 26-22, 57-42, 81-71, 100-90.
- Latest