PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Tubid sa Ginebra na

Lalo pang nagpalakas ang Barangay Ginebra nang kanilang kunin ang serbisyo ni Ronald Tubid mula sa Air21 matapos maiselyo ang negosasyon kahapon.


Walang nagalaw sa line-up ng Gin Kings dahil wala silang ibinigay na kapalit na player kundi draft picks lamang.


Ipinaubaya ng Ginebra 2007-08 at 2008-09 second round pick at 2009-10 first round pick kapalit ni Tubid.


Kinumpirma kahapon ni Ginebra team manager Allan Caidic ang balitang ito at sinabi niyang malaking tulong sa kanila ang pagpasok ni Tubid.


Si Tubid, galing sa University of the East ay isang swingman na siyang kinakailangan ng Ginebra sa kanilang line-up para sa kanilang kampanya sa kasalukuyang PBA Philippine Cup.


"Our team is more balanced now," pahayag ni Caidic. "His arrival has stabilized our backcourt and has given coaching staff more options and the flexibility."


Nauna nang pinalakas ng Ginebra ang kanilag rostes sa pamamagitan ng kontrobersiyal na three-team deal bago magsimula ang season kung saan sangkot din ang Express at ang kapatid na kumpanyang Coca-Cola.


Sa naturang negosasyon, nakuha ng Gin Kings sina Rafi Reavis, Billy Mamaril at ang nagbabalik na si Rudy Hatfield.


May mga teams na kumuwestiyon sa naturang kasunduan kaya’t inimbestigahan ito ng PBA ngunit inaprobahan din ito ni Commissioner Noli Eala maliban sa paglilinaw ng ilang detalye.


Kasalukuyang nasa ikalawang posisyon ang Ginebra sa eliminations ng 2006-2007 season opening conference hawak ang 5-2 kartada sa likod ng ‘surprise leader na Sta. Lucia na may 5-1 win-loss record.


Sa kabilang dako, ang Air21 naman ay kasalukuyang nasa ilalim ng team standings na may limang sunod na talo bunga ng kanilang 1-5 win-loss slate. (MBalbuena)

  • Follow Us: