^

PSN Opinyon

Editoryal - Ilabas at 'igisa' rin si Ricaforte

-
MARAMING beses nang iginisa si Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson ng mga mambabatas at pilit pinalalabas ang mga "mantika" ng jueteng na kanyang ibinulgar. Nagsigawan pa at naglabasan ng nalalaman ang mga maka-administrasyong Kongresista at hinaharang si Singson na huwag isama ang pangalan ni President Estrada na tinagurian nitong "jueteng of all the jueteng lords". Nang igisa naman sa Senado si Singson ay nagkasagutan pa ang dalawang senador dahil sa haba ng pagtatanong kay Singson na paulit-ulit lang din naman. Sa ginagawang mabagal na paggisa kay Singson malamang na abutin ng siyam-siyam bago ito matapos.

Sa dami na ng ginawang pagsalang kay Singson ay wala namang senador o kongresista na nagpipilit mailabas ang mga pangalang isinasangkot ni Singson. Hanggang sa ngayon, misteryosa pa rin at hindi malaman kung nasaan si Yolanda Ricaforte, asawa ng Tourism Undersecretary. Bigla umanong umalis ng bansa si Ricaforte nang araw na magsagawa ng privileged speech si Senate Minority Leader Teofisto Guingona tungkol din sa jueteng. Si Ricaforte ayon kay Singson ang umano’y auditor ng inire-remit na pera mula sa jueteng at ito rin ang gumagawa ng ledger.

Isa pa rin sa dapat ilabas at igisa ng mga mambabatas ay si Rodolfo "Bong" Pineda, pinaghihinalaang jueteng lord sa Central Luzon na isinangkot din ni Singson na may kinalaman sa perang ini-remit niya kay Estrada. Sinabi ni Singson na kaharap si Pineda nang ibigay nila ni Charlie "Atong" Ang sa First Lady at anak nitong si Jinggoy ang P105 million sa bahay nito sa Polk Street, San Juan. Nasangkot din ang pangalan ni Jose Jaime Policarpio, liaison officer ni Estrada at nabanggit din sina Senators Tessie Aquino-Oreta at John Osmeña at dating Presidential Spokesman Jerry Barican na tumanggap ng balato mula kay Singson.

Maraming mambabatas ang nagsasabing pawang kasinungalingan ang mga ibinulgar ni Singson at ganito rin ang sinasabi ni Estrada. Wala aniya kahit isang sentimo siyang tinanggap at malinis ang kanyang konsensiya. Subalit ang nakapagtataka’y bakit hindi mailabas si Ricaforte o kaya’y si Pineda. Mahalagang susi ang dalawang ito sa ibinulgar ni Singson. Habang hindi lumulutang at naigigisa ang dalawang ito ang paniniwala ng marami ay malakas at nakikita nilang "bayani" si Singson sa pagsisiwalat ng katiwalian sa pamahalaan. At mabubura lamang ang paniniwalang ito kung mailalabas at maigigisa si Ricaforte at si Pineda.

vuukle comment

CENTRAL LUZON

FIRST LADY

ILOCOS SUR GOV

PINEDA

RICAFORTE

SINGSON

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with