^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hayaang 'ikanta' ang katotohanan

-
UHAW ang taumbayan sa katotohanan at ang pagtaguan at paglihiman ngayon ay isang malaking pagkakamali. Natatakot na ang taumbayan na muling madaya kaya naghahanap ng kasagutan sa bawat katanungan. Ngayong nayayanig ang Estrada administration sa ginawang pagbubulgar ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson sa jueteng payoffs, ibig malaman ng taumbayan ang mas malalim pa sa likod ng pagbubulgar na ito. Hindi makukuntento ang taumbayan sa pakonti-konti at hinaharang pang pagbubulgar. Ang ganitong paghaharang ay nagdaragdag lamang sa galit ng taumbayang nais makasumpong ng kinauuhawang katotohanan.

Nang magsalita si Singson sa House of Representatives ay halatang-halata ang mga kongresistang maka-administrasyon sa pagpilit na busalan ang bibig ng governor para hindi ito "makakanta". Ang nangyari’y nauntol ang pagbibigay ng impormasyon at nagsigawan na lamang ang mga magagaling na kongresista. Nakita kung sino ang nagtatakip sa butas at nagliligaw na makita ang katotohanang hinahanap ng taumbayan. Pinagtalunan lamang kung dapat isama ang pangalan ni President Estrada na inakusahan ni Singson na "lord of all the jueteng lords". Nag-walkout ang mga oposisyunistang kongresista. Maging si Makati Rep. Joker Arroyo (LAMP) ay namangha’t hindi makapaniwala sa wari’y pagbusal sa bibig ni Singson at sinabi nitong ang kinabibilangang chamber ay dapat tawaging House of Repression.

Mabuti’t naging "mabait" ang Senate Blue Ribbon Committee kamakalawa at hinayaang "makakanta" si Singson. Ganoon pa man may bahid pa rin ng pagbuka sa kanyang bibig at waring may alinlangan pa. May mga nakatago pa sa kanyang dibdib subalit pinipigil at ito ang hinahangad pang malaman ng taumbayan. Ngayong nasimulan na ni Singson ang sabi niya’y laban sa mga katiwalian ng Estrada administration, hindi na dapat pa niyang pigilan ang sarili lalo pa nga’t idineklara niyang lalaban siya hanggang kamatayan. Kung totoong "nagbagumbuhay" na siya at itinatakwil na ang masasamang bisyo at naikumpisal na niya ito kay Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ano pa ang dahilan para hindi niya isiwalat lahat ang nalalaman tungkol sa jueteng na nakinabang nang malaki si Estrada at ang pamilya nito.

Ang mabatid ng taumbayan ang katotohanan at lubusan itong mapatunayan ay isang paraan para kumalma ang kalooban. Wala nang pinakamabuti at pinakamaganda kung nalalaman ng taumbayan ang tunay na kalagayan ng bansa. Ito ang magpapabago sa dinaranas ng kadahupan.

vuukle comment

HOUSE OF REPRESENTATIVES

HOUSE OF REPRESSION

ILOCOS SUR GOV

JOKER ARROYO

MAKATI REP

MANILA ARCHBISHOP JAIME CARDINAL SIN

NGAYONG

SINGSON

TAUMBAYAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with