PSN Metro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Mag-ina kinasuhan sa pagpaslang sa manikurista

MANILA, Philippines - Sinampahan kahapon ng kasong murder ang isang mag-ina at isa pa nilang kaanak matapos nilang pagtulungang patayin ang isang manikurista dahil pinaghinalaan ng ginang na karelasyon ito ng kanyang mister sa Pasay City.

Ang mga suspek na sina Lydia Baliquia at anak nitong si Ronald ay kinasuhan ng murder matapos na lumutang ang mga testigong sina Jevelyn Mapa at magkapatid na Rowena at Jhuna Escopete na nagbigay ng kanilang salaysay kina SPO1 Faustino Erlano at PO3 Fernildo Castro ng Pasay Police kaugnay sa kanilang nasaksihang pamamaslang sa biktimang si Johairah Abdurahen, 36, na naganap noong Agosto 16 sa loob mismo ng bahay ng mga suspek sa Kapisaan St., Malibay ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa mga testigo, nakita nila ang ginawang pamamaslang ni Lydia, habang binubusalan naman ng anak nitong si Ronald ang bibig ng biktima upang hindi ito makasigaw.

Nasa loob din umano ng bahay si Chin-Chin Baliquia, pinsan ni Ronald na siya pang sumundo sa biktima upang mag-manicure sa kanila at batid nito ang nangyaring pagpaslang.

Napag-alaman na isa sa tatlong testigo na si Rowena ay ka-live-in pa ng suspek na si Ronald, kung saan inihayag nito sa pulisya na pinagsabihan pa siya ng ‘biyenang hilaw’ na si Lydia na huwag magsasalita matapos ang pamamaslang.

Bukod sa mga tinamong saksak ng ice pick sa likod at leeg, pinagpapalo rin ng ginang ng tubo ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na pinaghinalaan ng mga suspek na nakikipag-relasyon si Abdurahen sa asawa ni Lydia, subalit ikinaila ito ng ka-live-in ng biktima na si Robert Saladaga at ayon dito ay tsismis lang ang akusasyon.  

  • Follow Us: