SPO3 Sta. Isabel, arestado na!
MANILA, Philippines - Tuluyan nang inaresto kahapon si SPO3 Ricky Sta. Isabel, ang pulis na sinasabing kabilang sa kumidnap at pumaslang sa negosyanteng Koreano matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Angeles Regional Trial Court laban dito.
Umaga kahapon nang pormal na ihain sa Angeles RTC ang kasong kidnapping for ransom with homicide laban kina Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, Ramon Yalung at apat na iba pang respondent na may alyas na Pulis, Jerry, Sir Dumlao at Ding.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, nakakuha na ng kopya ng mandamyento ang PNP.
Dahil dito, ang PNP na ang magsisilbi ng arrest warrant kay Sta. Isabel na naunang nagpasailalim sa protective custody ng NBI.
Si Villegas naman, batay sa resolusyon ng DOJ, ay noon pang January 16, 2017 nasa kustodiya ng PNP-Anti Kidnapping Group.
Sa oras na mai-turn over ng NBI sa PNP si Sta. Isabel, ang PNP na rin ang magpoproseso ng return of the warrant sa hukuman na nag-isyu dito. (Ludy Bermudo, Doris Franche-Borja at Joy Cantos)
- Latest