PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Walang karamay

Dear Dr. Love,

Bago po ang lahat, nais ko munang bumati ng sariwang pangungumusta sa inyo at sa lahat ninyong mga kasamahan.

Isa po ako sa masusugid na mambabasa ng inyong pahayagan lalo na po ang pitak na Dr. Love.

Sa pagbabasa ko pong ito naiibsan ang aking kalungkutan at inaasahan kong mabibigyang pansin ang aking liham na ito.

Ako po si Levi Logrono, 36 years-old at tubong Bohol. Ako po ay isang bilanggo. Kung paano po ako napunta dito sa libingan ng mga patay, iyan po ang ilalahad ko sa pamamagitan ng liham kong ito.

Apat po kaming magkakapatid at ako ang pa­nganay. Tatlo po silang mga babae. Maaga po kaming naulila sa mga magulang kaya kami ay lumaki sa Lola namin.

Mula kami sa pobreng pamilya. Dahil sa pag­nanais na makatulong sa aming Lola, naisipan ko pong lumuwas sa siyudad ng Tagbilaran, Bohol. Pinalad naman akong makahanap ng trabaho. Sa araw isa akong shine boy at sa gabi naman, isa akong photographer.

Sa hindi inaasahang pangyayari, napagdiskitahan ako ng mga tambay. Binugbog nila ako. Sinikap kong ipagtanggol ang aking sarili laban sa mga tambay na ito hanggang sa nag-agawan kami ng balisong na hawak ng isa sa mga dumaluhong sa akin. Naagaw ko ang patalim at nauwi ito sa pananaksak na ikinamatay ng isa sa kanila.

Idinepensa ko ang aking sarili. Pero talagang napakalupit ng tadhana. Hindi ako pinaniwalaan ng hukuman. Hinatulan ako na mabilanggo mula walo hanggang 14 na taon.

Kaya naririto ako ngayon sa piitan. Tigas ang pagsisisi ko sa pangyayari. Lagi akong humihingi ng kapatawaran sa Diyos sa pagkakapatay ko ng tao.

Ang masakit pa nito, iniwan ako ng aking live-in partner. Siguro, isa ito sa mga plano ng Dakilang Lumikha para mabigyan ako ng panggising sa tila pagkalimot ko sa Kanya.

Kaya humihingi ako ng tulong sa inyo dahil walang dumadalaw sa akin dito sa bilangguan. Wala palang kasinlungkot ang wala man lang bumibisita sa isang bilanggo.

Kung may sulat man ako mula sa aking mga ka­patid, siguro minsan lang sa isang taon. Wala akong karamay sa aking kalungkutan. Wala man lang tumu­tulong sa akin.

Kaya alam kong kayo lang ang puwede kong ma­la­pitan. Nais ko pong magkaroon ng mga kasu­latan para makapagbigay ng sigla at pag-asa sa aking buhay.

Marami pong salamat,

Levi Logrono

I-C Student Dormitory,

Camp Sampaguita,

Muntinlupa City 1776

 

Dear Levi,

Kung minsan, may mga pangyayari sa ating buhay na kahit anong sakit at pait ay nagsisilbing panggising sa ating nahihimlay na puso at isipan para tayo ay matutong magbago at tumawag sa Lumikha.

Marahil, matagal mong napabayaan ang iyong pana­nampalataya dala ng pagiging abala sa pagha­hanap ng ikabubuhay.

Pero anumang hirap ng buhay, anumang pagsu­bok na dumating sa atin, dapat ay hindi nakakaligtaan ang ating Panginoon.

Kung minsan, binibigyan tayo ng matitinding pag­subok sa buhay para pukawin tayo sa pagka­kaidlip. Siguro nagising ka na sa katotohanang ito. Hindi ka bibigyan ng ating Panginoon ng isang pagsubok kung alam niyang hindi mo ito kaya.

Lalo mong sikaping tumawag at magpuri sa kanya kahit ano pang hirap ang ibigay Niyang pagsubok sa iyo. Makikita mo, kapag tapat ka sa paghingi ng tawad sa pagkakasala, diringgin Niya ang tawag mo. Bibihisin ka Niya sa mga paghihirap mo.

Mabuti at nag-aaral ka diyan sa loob. Magagamit mo iyan paglaya mo sa paghahanap ng empleyo.

Huwag mo nang masyadong kaawaan ang sarili sa paghahanap ng mga karamay sa iyong kalung­kutan. Sa hirap ng buhay, hindi madaling magbiyahe ang iyong mga kapatid at kaanak para madalaw ka riyan sa BNPP.

Ang makakasama mo sa kalungkutan ay ang ating Panginoon.

Dr. Love

  • Follow Us: