PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Kill GMA, FVR!

May plano umanong patayin ng kampo ni dating Pangulong Joseph Estrada si Pangulong Gloria Arroyo sakaling mapabagsak ito sa puwesto at magtagumpay ang transition government na isinusulong naman ni dating Presidente Fidel Ramos.


Sa isang press conference sa Sulu Hotel sa Quezon City, iniharap kahapon sa media ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson ang isang compact disc na naglalaman ng pakikipag-usap umano ni Estrada kay dating AFP chief of staff Gen. Joselyn Nazareno.


"Hello sir, good news sir, ok na kay Ping, tuloy na ang plano, pumayag na si Senator Lacson sa transition. Puwede nang isacrifice si "tanda" tutal tapos na si "tanda", sabi umano ng isang lalaking caller ni Estrada.


Tinawag na ‘The X-Tapes’, unang narinig sa CD na tumagal ng 5-10 minuto ang pag-uusap nina Estrada at Nazareno hinggil sa nangyaring bilangan sa eleksiyon sa Mindanao, partikular na sa Misamis Oriental, Bukidnon, Agusan del Sur, Agusan del Norte at Lanao del Norte.


Sa bandang huli ng CD na binubuo ng track 6, isang lalaki ang kausap umano ni Erap at pinag-uusapan na dito ang pagpatay kina GMA at FVR.


"Ah, ganoon," tinig ni Erap. "Ganoon nga sir, kapag napatalsik na si pandak at may transition goverment na, magkakasakit na si tanda. Puwede na nating ipitin ang dalawa sir," sabi ng caller.


Mula sa track 1-4 ay pinag-usapan ang tungkol sa nagdaang halalan habang sa track 5 at 6 ay ay napunta ang conversation sa destabilisasyon.


Ayon kay Chavit, napasakamay niya ang tape kamakalawa lamang matapos na may tumawag sa kanya at nakipagkita upang ibigay ito.


Sinabi pa nito na matibay ang sinasabi ng tape na sadyang talo ang oposisyon sa Mindanao ng nagdaang halalan at plinano talaga ang pagpapabagsak kay Pangulong Arroyo kasabwat si Lacson.


Ayaw namang kilalanin ni Chavit kung sino ang tinutukoy na tanda sa pakikipag-usap umano ni Erap, pero sa ipinamigay nitong CD, nakalagay doon na posibleng si FVR ang sinasabing tanda.


"Gawain naman nila (Erap camp) ang magpapatay. Matapos kang pakinabangan patatahimikin ka nila," sabi naman ni Chavit.


Itinanggi naman ni Lacson na may kinalaman siya sa anumang destabilisasyon sa Arroyo government. Anya, matagal na silang hindi nag-uusap ni Erap at inamin niyang wala ng tiwala sa kanya ang dating pangulo kaya malabo na magkaisa ang mga ito upang maisagawa ang destabilisasyon.


"Walang pinagkaiba yung ipinarinig ni Chavit sa unang ipinarinig sa Palasyo na ‘dinoktor na tape’," sabi ng senador.


Ayaw namang magbigay ng komento ang Malacañang at kailangan daw munang marinig ang tape bago nila sabihin kung ito ay dapat paniwalaan o hindi. (Ulat nina Angie dela Cruz, Ellen Fernando at Lilia Tolentino)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: