PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

‘Zero casualty’ sa bagyong Salome – NDRRMC

MANILA, Philippines — Walang nasawi sa pananalasa ng bagyong Salome.

 Ito ang inihayag kahapon ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Romina Marasigan matapos ang paghagupit ng bagyong Salome sa ilang mga lalawigan sa Southern Tagalog, Bicol at ilang bahagi ng Visayas.

 Ayon kay Marasigan, walang gaanong pinsala ang bagyong Salome na inaasahan nang lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Sabado ng umaga.

 Nilinaw ni Marasigan na ang “zero casualty” na naitala ng kanilang tanggapan ay base sa inisyal na ulat pa lamang at patuloy pa rin ang kanilang beripikasyon sa ilang mga rehiyon na sinalanta ng bagyo. Maliban na lamang aniya sa ilang mga pagbaha na naitala partikular na sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay wala namang masyadong naapektuhan sa buhay at kabuhayan sa mga lugar na hinagupit ng bagyo.

 Ayon kay Marasigan nasa 534 pamilya lamang ang nagsilikas mula sa Calabarzon na nag-umpisa nang magsibalikan sa kanilang mga tahanan.

 Samantala, iniulat naman ng Calabarzon OCD ang pagkasugat ng apat na katao sa kasagsagan ng pana­nalasa ng bagyo na sina Luzviminda Jayona, 56 anyos; Jeffrey Loreto Morillo; pawang ng Brgy. Tongahin, Infanta, Quezon na nasugatan naman matapos na manalasa ang ipu-ipo sa kanilang lugar. Ang dalawa pang mga nasugatan ay sina Brgy. Chairman Oscar Almeida ng Brgy. Malinao Ibaba  na tinamaan ng nabaling sanga ng punong kahoy at Joan Aquibay, pawang ng Atimonan, Quezon. Natagpuan naman ang 11 nawawalang mangi­ngisda matapos na abutan ng masungit na bagyong Salome habang nangingisda sa karagatan ng Mercedes, Camarines Norte kahapon.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: