^

Bansa

Senate probe sa drug war ikinasa

Pilipino Star Ngayon

Sa pagkamatay ng 17-anyos estudyante

MANILA, Philippines -  Umaani ngayon ng pambabatikos mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan ang patuloy na drug war operations ng mga pulis kung saan marami ang napapaslang kabilang si Kian Lloyd delos Santos, 17-anyos na grade 11 estudyante sa Brgy. 160, Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, hihilingin niya sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring sinadya umanong pagpatay kay delos Santos.

“Based on the video evidence presented so far in the media, it is quite possible that he was murdered by the policemen who accosted him. A Senate investigation is therefore necessary to establish the true facts, and to ensure that the integrity of the PNP remains intact,” ani Gatchalian.

Posibleng bumagsak sa committee on public order na pinamumunan ni Sen. Panfilo Lacson, ang nasabing imbestigasyon o sa Blue Ribbon committee, matapos magpahayag din si committee chair Richard Gordon na magsasagawa siya ng imbestigasyon sa insidente.

Sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na ang pagpatay kay Kian ay “Very, very disturbing..., “Se­venteen year-old Kian Delos Santos is age of my eldest son. I feel for the father while watching the video. Sakit nito!” ayon kay Ejercito.

Sinabi ni Ejercito na dapat kasuhan at maparusahan ang mga pulis na may kagagawan sa pagpatay kay delos Santos matapos na lumutang sa CCTV na kinaladkad siya ng mga pulis na malayo sa bersyon ng police spot report. Dalawa pang testigo ang nagsabi na nakita nilang sinasaktan ng mga pulis ang nagmamakaawang biktima at pilit na binibigyan ng baril para iputok bago siya binaril noong Miyerkules ng gabi. Inakusahan pa ng mga pulis ang biktima na may dalang dalawang sachet ng shabu.

Ayon naman kay Sen. Francis Pangilinan, hindi solusyon sa droga ang kaliwa’t kanan na patayan ng mga maliliit at mahihirap habang tone-toneladang shabu ang pinalulusot sa BoC.

EJK, vigilante killings sisiyasatin ng Kamara

Samantala, nakatakda namang magsagawa rin ng imbestigasyon ang Kamara hinggil sa tumataas na bilang ng extra judicial killings at vigilante killings laban sa mga hinihinalang drug personalities sa bansa.

Hiniling sa House Re­solution 259 ang imbestigasyon sa extra judicial killings na kinasasangkutan ng mga law enforcement agencies sa gitna na rin ng pinaigting na giyera kontra droga ng pamahalaan. 

Inimungkahi naman ni Anakpawis Partylist Rep. Ariel “Ka Ayik” Casilao na tanggalin na ang P900-M pondo ng PNP sa Oplan Double Barrel kaugnay ng pagdinig ng Kongreso sa panukalang badyet ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil baka mas lalo pa umanong dumami ang biktima ng  aniya’y ‘mass killings’ laban sa mga pinaghihinalaang tulak ng droga.

Ayon kay Casilao, lubhang nakababahala ang anti-drug at anti-crime ope­rations dahil tinata­yang halos nasa 80 na  ang bilang ng mga napapatay na suspek sa loob ng apat na araw mula sa lalawigan ng Bulacan, lungsod ng Maynila at Caloocan kaya matatawag itong ‘mass killings’.?

Sa panig naman ni Gabriela Women’s Party (GWP) Rep. Emmi de Jesus, hindi solusyon ang serye ng pamamaslang sa mga hinihinalang drug personalities para ma­tuldukan ang problema sa droga. Iginiit nito na walang silbi ang paglago ng ekonomiya kung ang dapat na nakikinabang na mga maralitang Pinoy ay pinapatay.

Kinondena rin nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at France Castro ang nangyari kay delos Santos.

“We condemn this most deplorable killing of a child on the incredible pretext that he was a drug suspect and ‘nanlaban’-the modus operandi of elements of the PNP in the Duterte administration’s war on drugs,” pahayag ni Tinio. (Ellen Fernando, Joy Cantos, at Butch Quejada)

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with