Medical records ni Digong ‘di kailangang ilabas - Palasyo
MANILA, Philippines - Hindi na kailangang ilabas ang medical record ni Pangulong Duterte tulad ng hamon ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, makikita mismo sa pangangatawan at aktibidad ni Pangulong Duterte na nasa maayos na kalusugan ito kaya hindi na kailangang ilabas sa publiko ang kanyang medical record.
Magugunita na hinamon ni Joma si Duterte na isapubliko nito ang kanyang medical record matapos na nawala ito sa mata ng publiko pagkagaling nito sa official trip sa Russia.
Una nang inakusahan ni Pangulong Duterte ang founding chairman ng CPP na mayroong ‘colon cancer’ at maawa raw ito sa Norwegian government dahil matatalo ang kasalukuyang partido ng namumuno dito sa isyu ng paggastos ng Norway sa mga lider ng CPP pati ang pagpapagamot nito.
Hinamon pa ni Pangulong Duterte si Joma Sison na mas makakabuting magpakamatay na lamang ito.
“Ang issue, dahil sa gastos na pinatira kayo doon at ‘yung ospital mo, wala kang bayad-bayad. Maawa ka naman sa Norwegian government. Pakamatay ka na lang,” dagdag pa ni Duterte.
- Latest