Australia gagamit ng spy plane vs Maute
MANILA, Philippines - Upang makatulong sa paglipol laban sa Maute, nakatakda na ring magsagawa ng flying missions ang dalawang high-tech AP-3C Orion aircraft ng Australia para tumulong sa surveillance operation ng tropa ng militar sa mga terorista sa Marawi.
Ito ang nabatid kahapon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana sa ilalim ng extensive defense cooperation agreement ng Pilipinas sa pamahalaan ng Australia.
Sinabi ni Lorenzana na ang dalawang Australian Defense Force’s (ADF) AP-3C Orion surveillance planes ay gagamitin sa loob ng dalawang linggo sa Marawi City kung saan patuloy ang operasyon ng militar upang malipol ang nalalabi pang Maute.
Ayon kay Lorenzana, tinanggap na ni Pangulong Duterte ang alok na tulong ng Australia.
“We welcome any technical assistance that our allies can provide while the Armed Forces of the Philippines is in the process of developing such capabilities,” pahayag ni Lorenzana.
Inihayag ni Lorenzana na agad na gagamitin ang AP-3C Orion aircraft sa operasyon sa Marawi City upang makatulong ito sa pagpulbos sa natitira pang Maute-ISIS terrorists sa lugar.
“The regional threat from terrorism, in particular from Daesh and foreign fighters, is a direct threat to Australia and our interests,” pahayag naman ni Defense Minister Marise Payne laban sa ISIS.
Sa kasalukuyan ang United States troops ang nagkakaloob ng teknikal na tulong sa pamamagitan ng spy plane na pinalilipad rin sa teritoryo ng Marawi.
- Latest