^

Bansa

Ililibing ngayon paggunita kay Miriam sa kanyang mga salita ­

Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Nakatakdang ihatid nga­yong hapon sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Chapel and Crematorium sa Marikina City ang mga labi ni Senator Miriam Defensor-Santiago. Base na rin sa bilin ng senadora, ihihimlay ito sa tabi ng puntod ng kanyang namapayapang anak si Alexander na pumanaw noong 2003 matapos magpakamatay.

Pumanaw si Senador Miriam Defensor-Santiago sa edad na 71 anyos noong Huwebes ng umaga pagkaraan ng ilang taong pakikibaka laban sa  sakit na lung cancer.

Hindi na dinala sa Senado ang mga labi ni Santiago para sa necrological services na kalimitang ginagawa para sa mga pumanaw na senador.

Inaasahang dadalaw kagabi  sa burol ng senadora sa  Immaculate Conception Cathedral sa  Cubao, Quezon City si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawang bukas sa publiko ang burol ni Santiago kung saan karamihan sa mga dumagsa ay mga kabataan na umiidolo sa kanya.

Bago ang libing, isang banal na misa muna ang iaalay para sa senadora.

Ganap na ala-1:00 ng hapon ang pagsisimula ng banal na misa, at pagkatapos nito ay dadalhin na ang labi ng senadora sa Loyola Memorial Park.

Nakilala si Santiago sa kanyang mga maaapoy na talumpati at matatalas na biro na dahilan kaya paboritong paglalarawan sa kanya ng mga mamamahayag ang salitang feisty (puno ng buhay, enehiya at tapang).

Maraming naging bansag sa kanya sa buo niyang karera. Tinawag siyang Asia’s Iron Lady dahil sa kanyang epektibong paglaban sa katiwalian na nakapukaw sa atensiyon ng ibang mga bansa. Naging ‘fighting judge’ siya noong isa pa siyang hukom ng Quezon City Regional Trial Court  noong 1983 nang maging pinakabatang presiding judge siya. Sa loob ng kanyang silid-hukuman, nangingibabaw ang ganitong patakaran: Walang suhulan o kikilan.”

Noong 1988, nakamit ni Santiago ang isang Ramon Magsaysay Award for Government Service, na katumbas ng Asya sa Nobel prize.

Kilala rin siya sa kanyang maaanghang na mga pagpapatawa at pick-up lines.  Naglabas siya ng dalawang libro — “Stupid is Forever” at “Stupid is Forevermore” na nagtampok sa kanyang brand of humor.

Inilarawan siya ni Senador Grace Poe na “laging makabuluhan.” Maraming kabataan ang naging tagahanga ni Santiago.

Kahit nangungulelat si Santiago sa mga survey ng Pulse Asia at Social Weather Station noong nakaraang halalan, nangu­nguna naman siya sa mga mock poll na ginawa sa iba’t-ibang pamantasan.

Tatlong beses na siyang kumandidatong presidente pero natalo.

Kahit pinahihirapan ng stage 4 na lung cancer, sinabi ng senadora sa pangatlo niyang pagtatangka sa halalang pampanguluhan na hindi siya aatras sa labanan.

“Sinabi ko na noon at sasabihin ko muli, hindi ako kailanman susuko. Hindi ako titigil. Hindi ako aatras. Utang ko ito sa mga mamamayang Pilipino na naniniwala sa aking liderato at naghahangad ng matagal nang naaantalang reporma,” wika niya minsan.

Hindi maikakaila ang kanyang pagiging articulate at charismatic. Narito ang ilang mga salita mula sa Senadora:

Hangad kong pamahalaan ang bansa na tulad ng isang mahigpit na ina. Na ididiin ng disiplina. Ididiin ang civic spirit na kung anong ginagawa mo, may kaugnay ‘yan sa mangyayari din hindi lamang sa iyo, kundi sa iyong kapitbahay rin. Nais kong ikintal sa mga botanteng Pilipino ang damdamin na iisang tadhana. Na iisa tayo. Mga banta ang inaalmusal ko.

Nagpatingin ako sa isang pulmonologist at sinabi niya, ‘Ipagpatawad ninyo, meron ka­yong kanser.’ At sinabi ko, ‘Oo. Dahil gusto ko ng mga hamon sa aking buhay.’

Ayaw ko ng mga handbag dahil inookupa nila ang aking mga kamay. Dapat lang handa ang mga kamay ko kapag may kailangan akong sampalin.

Sir, pinapaalala ko sa inyo na, bilang Commissioner ng Immigration and Deportation, kinakatawan ko ang kadakilaan ng Republika ng Pilipinas. Obligasyon ninyong magpakita sa akin ng paggalang. Tumahimik kayo o tatangggalan ko kayo ng mga ngipin.

Ang love, parang bayad sa dyip. Minsan lang nasusuklian.

Anong tawag kapag nagtapon ka ng basura sa dagat? Sagot: Pollution. Ano naman ang tawag kapag tinapon mo sa dagat ang mga politikong kurakot? Sagot: Solution.

Kapag mahirap ang isang empleyado ng gobyerno at nagtatrabaho siya sa isang tiwaling ahensiya, matatanggihan niya ang lahat maliban sa tukso.

Alam mo, kung papatayin mo ang lahat ng TV camera, matatapos ang pagdinig nang isang linggo pero gusto ng mga tao ng mahigit 15 minutong kasikatan.

Bakit inaakyat ng tao ang Mt. Everest? Dahil naroon ito. At bakit nilalabanan ko ang katiwalian? Dahil narito ito.

Sa mga gusto ako, itaas ang inyong mga kamay. Sa mga hindi, itaas ang inyong mga pamantayan. Malou Escudero, Mer Layson at Levi A. So

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with