‘Jaybee Sebastian, hindi ilalaglag si Leila’ - DOJ
MANILA, Philippines - Naniniwala si Justice Secretary Vitalliano Aguirre II na hindi idadawit ng convicted kidnapper na si Jaybee Sebastian si Senator Leila de Lima sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Aguirre, tetestigo si Sebastian para kay De Lima lalo pa’t hindi naman ito nagbigay ng sworn statement laban sa senadora.
Sinasabing nagkamal ng milyun-milyong pera si Sebastian mula sa drug money bilang paghahanda umano sa election campaign ni De Lima noong Mayo.
Hindi rin naman umano nakakapagtaka kung puro papuri at magagandang bagay ang isisiwalat ni Sebastian sa sandaling dumalo ito sa pagdinig ng Kamara.
Gayunman, isang malaking kahangalan ang pagsasabi ni De Lima na ‘government asset’ si Sebastian.
Iniimbestigahan ng House Justice Committee ang talamak na bentahan ng iligal na droga sa loob ng NBP noong kalihim pa ng DOJ si De Lima.
Pabor din si Aguirre na pilitin si Sebastian na dumalo sa pagdinig ng House committee sa Oktubre 5. Inaasahan ding dumalo si Joenel Sanchez, dating security aide ni De Lima na nagsilbing bagman.
Ilalabas din ni Aguirre sa tamang panahon ang Anti-Money Laundering Council’s report mula sa isang bangko na umano’y konektado sa drug syndicates na kumikilos sa loob ng NBP.
- Latest