Gens. Pagdilao, Tinio kakasuhan na sa droga
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Department of Interior and Local Govenrment (DILG) na dalawa sa limang tinaguriang “narco generals” ang sasampahan nila ng kaso ngayong araw.
Sinabi ni DILG Sec. Ismael Sueno sa media briefing sa Palasyo, sasampahan ng kasong kriminal sina dating NCRPO director Joel Pagdilao at dating Central Police District director Edgardo Tinio.
Ayon kay Sec. Sueno, natapos na ang imbestigasyon laban kina Pagdilao at Tinio kaya isasampa na ng DILG ang kaso ngayon. Aniya, mayroong “prima facie” evidence laban kina Pagdilao at Tinio para sila masampahan ng kaso matapos silang pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na narco generals.
Idinagdag pa ni Sueno, isasapinal naman ng DILG ang mga ebidensiya laban kay Gen. Bernardo Diaz habang inalisan naman nila ng “police power” si Daanbantayan Mayor Vicente Loot bukod sa pagkansela sa mga firearms license nito.
Wika pa ni Sueno, isinailalim din ng DILG sa “lifestyle check” si Mayor Loot na retiradong PNP general bago naging alkalde ng Daanbayantan, Cebu habang may inihahanda na ring kaso laban kay retired Gen. Marcelo Garbo.
- Latest