Ex-PNP Chief Purisima arestado sa NAIA
MANILA, Philippines – Dinakip ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group ang nasipang PNP Chief Alan Purisima ngayong Huwebes sa Ninoy Aquino International Airport Terminal-3.
Sa bisa ng arrest warrant ay inaresto ng mga awtoridad si Purisima na mula sa Butuan City.
Dinala ang dating hepe ng pulisya sa Sandiganbayan kasunod ng pagpapaaresto ng korte kahapon kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kaniya at 10 iba pa dahil sa umano’y maanomalyang courier service contract.
BASAHIN: Purisima pinaaaresto
Lumabas sa imbestigasyon na ibinigay ni Purisima ang kontrata sa Werfast Documentary Agency Inc., kung saan walang naganap na public bidding.
Dawit din sa kaso sina dating Director Gil Meneses, Chief Supts. Napoleon Estilles, Allan Parreño, Melchor Reyes, Ford Tuazon, at mga opisyal ng Werfastna sina Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerie, Lorna Perena at Juliana Pasia.
Una nang nakapagpiyansa sina Raul Petrasanta, Eduardo Acieto, Lenbell Fabia, Sonia Calixto, Nelson Bautista at Ricardo Zapata Jr.
Nakatakdang basahan ng sakdal ang mga akusado sa Hunyo 20, alas-8:30 ng umaga.
- Latest