Pacquiao ‘binabraso’ ni Mar
MANILA, Philippines – Patuloy umanong “binabraso” ni DILG Sec. Mar Roxas si Sarangani Rep. Manny Pacquiao para sumama ito sa senatorial line-up ng Liberal Party (LP).
Ayon kay Buhay partylist Rep. Lito Atienza, nakatanggap siya ng impormasyon na patuloy ang paghabol ni Roxas kay Pacquiao na nauna nang nagbigay ng pahiwatig na tatakbo itong senador sa ilalim ng tiket ni Vice-President Jejomar Binay.
“May halong veiled threat iyang pangungumbida nila kay Manny. Mar is using everything he can in his current powerful position to generate more support for him,” sinabi pa ni Atienza.
Nirerespeto naman umano ng kongresista ang desisyon ni Pacquiao kung tatakbo ito o hindi subalit 101 porsiyento umano itong sigurado na hindi susuporta ang pambansang kamao kay Roxas.
Hindi naman tinukoy ng Kongresista kung anong klaseng pananakot ang ginagawa kay Pacman, pero naniniwala si Atienza na ang tax case na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban kay Pacquiao ang maaaring ipambala dito.
Tiwala naman si Pacquiao at ang abogado nito na hindi magtatagumpay ang tax evasion case na inihain ng BIR laban dito dahil binayaran na ng buo ang lahat ng buwis na dapat nitong bayaran.
Nabatid na nagkita sina Roxas at Pacquiao sa Makati noong nakaraang linggo upang hikayatin umano ito na tumakbong senador sa ilalim ng LP.
- Latest