PSN Bansa ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Sabaya nasa bansa pa

Hindi pa nakakalabas ng bansa si Abu Sabaya at mayroong pruweba dito ang AFP.


Inihayag ito ni National Security Adviser Roilo Golez sa gitna ng mga haka-haka na nakalabas na ng Basilan ang spokesman ng Abu Sayyaf na si Sabaya at kasalukuyan nang nasa Malaysia.


"Alam mo kung paniniwalaan natin ang lahat ng balita, siguro hiwa-hiwalay na ang katawan ni Sabaya ngayon sapagkat ang daming lugar na sinasabing kinaroroonan nito," ani Golez.


Mariin ring pinabulaanan ni Golez ang isang balita na nalathala sa Washington Times na umano’y nagbayad nang $300,000 ang Amerika para sa paglaya ng mag-asawang Burnham.


Sinasabi sa ulat ng Washington Times na nakumpleto ang transaksiyon sa bayaran bago pa mag-Semana Santa pero hanggang ngayon ay hindi pa napapalaya ang dalawa.


Naniniwala ang AFP na hindi basta makakatakas si Sabaya bunga na rin ng pinaigting na kordon ng militar sa lahat ng exit points sa lalawigan na maaring daanan nito at kanyang mga tauhan.


Sakali umanong magkatotoo ang ulat ay higit na mapapabilis ang pag-aresto kay Sabaya tulad ng nangyari kay dating ARMM Gov. Nur Misuari dahil sa mahigpit na koordinasyon ng Pilipinas at Malaysia.


Samantala, itinakda ang arraignment kay Misuari para sa kasong rebellion sa darating na Lunes, Abril 15 sa temporary courthouse na itinayo sa loob ng Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna. (Ulat ni Lilia Tolentino)

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: