^

Bansa

Snap election ikinasa

-
Nagharap kahapon si Senador Juan Ponce Enrile ng isang resolusyong humihiling sa Kongreso na kagyat na magpatibay ng isang batas sa pagdaraos ng snap presidential elections sa lalong madaling panahon.

Sinabi ni Enrile na, bagaman miyembro siya ng makaadministrasyong Lapian ng Masang Pilipino, ginawa lang niya ang kanyang tungkulin para malutas sa mabilis na paraan ang krisis sa bansa.

Sinabi pa ng senador sa isang pulong-balitaan na ipinaalam agad niya kay Pangulong Joseph Estrada ang kanyang hakbang pero hindi naman umano ito nagpahayag ng pagtutol bagaman may reserbasyon ang Punong Ehekutibo sa legalidad nito sa ilalim ng Konstitusyon.

Sa pamamagitan ng snap election, bababa sa tungkulin si Estrada para muling kumandidato at hingin ang desisyon ng taumbayan kung gusto pa nilang manungkulan siya o hindi.

Ipinaliwanag ni Enrile na nagbunga ng krisis sa ekonomiya at pulitika ng bansa at pagdududa sa pagiging lehitimo ng kasalukuyang administrasyon ang akusasyon ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson na tumanggap ng suhol mula sa operasyon ng jueteng at lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng pagpapalabas ng P200 milyon para sa Ilocos Sur ang Pangulo.

Ipinahiwatig din ng senador na nalagay sa kawalan ng katatagan ang pamahalaan sa naturang mga usapin dahil nagkaroon ng impeachment proceeding sa Kongreso, panawagan sa pagbibitiw ng Pangulo sa puwesto at pagkakahati ng mamamayan.

Nilinaw din ni Enrile na, sa kanyang panukala, ang posisyon lang ng Presidente ang pagbobotohan at hindi kasama ang sa bise presidente.

Sinabi naman ni Executive Secretary Ronaldo Zamora na higit lang lulubha ang problema kung magkakaroon ng snap election at hindi ito makakalutas sa kasalukuyang suliraning pangkabuhayan.

Tumutol din sa panukala ni Enrile si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo na nagsabing lalabag sa Konstitusyon ang anumang batas na lilikhain ng Kongreso para sa naturang halalan.

"Kailangan nilang susugan ang Konstitusyon," sabi ni Arroyo sa isang panayam makaraan niyang isailalim ang pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development sa bago nitong kalihim na si Dulce Saguisag.

Pinuna naman ng tagapagsalita ng oposisyong Lakas-NUCD-UMDP-Kampi na si Hernando Perez na pinakamotibo ng snap election ang paniniyak na mananatili sa puwesto ang Pangulo.

Idiniin ni Perez na dapat magbitiw si Estrada sa tungkulin dahil nawalan na ito ng moral na kapangyarihan para mamuno sa bansa. (Ulat nina Doris Franche, Lilia Tolentino at Andi Garcia)

vuukle comment

ANDI GARCIA

ANTI-GRAFT AND CORRUPT PRACTICES ACT

DEPARTMENT OF SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT

DORIS FRANCHE

DULCE SAGUISAG

ENRILE

KONGRESO

KONSTITUSYON

PANGULO

SINABI

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with