‘Away sa babae’ itinanggi ni Alvarez
MANILA, Philippines - Mariing itinanggi ni House Speaker Alvarez na ‘away sa babae’ ang dahilan ng kanyang reklamong katiwalian na isinampa sa Ombudsman laban kay Davao del Norte Rep. Antonio “Tonyboy” Floirendo at sa pagpapa-imbestiga niya sa Kamara laban sa kapwa kongresista.
Giit ni Alvarez, walang kinalaman ang umano’y personal na hidwaan nila ni Floirendo sa kasong kanyang inihain dahil malinaw sa batas na bawal magnegosyo ang isang opisyal ng pamahalaan.
Base umano sa Securities and Exchange Commission, stockholder ng Tadeco si Floirendo habang siya ay halal na congressman, partikular noong ni-renew ang kontrata ng Tadeco at Bureau of Corrections (BuCor) para gamitin ang mahigit 5,000 ektaryang lupain ng Davao Penal Colony bilang plantasyon ng saging.
Bukod sa business interest ni Floirendo, kuwestiyonable rin umano ang renewal ng 25 taong kontrata dahil hindi dumaan sa public bidding.
Nalugi rin dito ang gobyerno dahil sinunod lamang ang napakamurang upa sa naunang kontratang pinasok noong panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Si Floirendo ang pinakamalaking campaign fund contributor ni Pangulong Duterte noong eleksyon.
Nilinaw naman ni Alvarez na hindi umano nakatulong si Floirendo sa kanyang pagiging Speaker at pangalawa, maaaring ang Davao del Norte Congressman ang major contributor ng Pangulo, subalit hindi umano ito nangangahulugan na mayroon siyang lisensya para nakawan ang bayan.
- Latest