Matibag huhubaran ‘assassin’ vs Pangulong Marcos

MANILA, Philippines — Inaasahan na magbibigay si National Bureau of Investigation (NBI) director Melvin Matibag sa impeachment court ng mas detalyadong resulta ng imbestigasyon tungkol sa umanoy kinuhang assassin ni Vice President Sara Duterte para umano patayin si President Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na ang testimonya ni Matibag ay iba kay NBI Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, na humawak ng authentication ng kontrobersyal na video at cybercrime investigation.
Paliwanag pa ng abogado na sa testimonya ni Lotoc na paulit-ulit na tinanong ng depensa kung ano ang iba pang paraan na ginawa ng NBI para kilalanin ang sinasabing assassin na tinutukoy ni VP Duterte sa kanyang Nov. 23, 2024 livestream.
Ayon kay Tolosa, paulit-ulit ding ipinaliwanag ni Lotoc na ang mga tanong na iyon ay wala sa saklaw ng imbestigasyon ng Cybercrime Division at mas angkop na sagutin ng mga yunit ng intelihensiya ng NBI.
“So dyan po papasok si NBI Director Melvin Matibag. Siya po ang makakapagbigay na linaw tungkol sa masusing investigation na ginawa ng NBI patungkol dito sa mamamatay-tao na kinausap ng bise presidente,” giit pa ni Tolosa.
Gayunman, binigyang-diin ng pribadong tagausig na ang Article IV ng kaso ng prosekusyon tungkol sa umano’y matinding pagbabanta (grave threats) ay hindi nakasalalay sa pagpapatunay kung tunay ngang may mamamatay-tao o kung may aktuwal na planong pagpatay.
Sa halip, sinabi niya na ang sentro ng kasong impeachment ay ang umano’y hayagang pagbabanta ni Duterte, na ayon sa prosekusyon ay sapat na upang maituring na isang impeachable offense.
- Latest





















