La Viuda (46)
NAGKAROON ng kaguluhan sa mansiyon habang inihaharap ng kapulisan at ni Natasha ang search warrant kay Doña Presentacion. Sa gitna ng pagkataranta ng lahat, pumaitaas si Ernesto at nagtungo sa quarters ng mga kasambahay sa likod.
Nanlalamig ang mga kamay ni Aling Pacing habang nakadungaw sa bintana ng maliit na silid.
“Aling Pacing,” tawag ni Ernesto sa pinto.
“S-Sir Ernesto... anong nangyayari sa labas? Bakit may mga pulis?”
“Wala na po tayong oras,” hawak ni Ernesto ang braso ng matanda. “Kailangan mo na pong umalis dito. Itatakas po kita.”
“Bakit kailangang nating tumakas?”
Kahit naguguluhan, mabilis na sumunod si Aling Pacing sa bawat hakbang ng binata sa mga madidilim na pasilyo hanggang sa makalabas sila sa likod. Sa ilalim nang malaking puno ng manga, nakatayo si Kristinaat sa tabi nito ay isang matangkad na lalaki. Nang tumama ang liwanag ng buwan sa mukha ng lalaki, napatigil si Aling Pacing. Nabalot ng matinding gulat ang matanda habang pilit na kinikilala ang anino.
“A-Andres...?” nanginginig na usal ni Aling Pacing, halos mabitawan ang kanyang maliit na bag.
“Inay...”
Mabilis na lumapit si Andres at mahigpit na niyakap ang ina.
“Anong nangyari sa’yo bakit ka nagkaganyan?”
Napahagulgol si Aling Pacing habang hinahawakan ang mukha ng anak.
“Buhay ka... Diyos ko, buhay ang anak ko!” hikbi ng matanda.
Kumalas si Andres sa yakap at inakay ang ina patungo sa sira at nawasak na bakod sa dulo ng hacienda, kung saan bukas ang daan patungo sa masukal na kalsada sa labas.
(Itutuloy)
- Latest
















