La Viuda (41)
HINDI mapakali si Ernesto sa loob ng kanyang silid sa mansiyon. Sa kabila nang matinding pagkasabik na magkakaanak na sila ni Kristina, may malaking bahagi ng kanyang isip ang patuloy na naghihinala. Bakit sa musuleo pinatutulog si Kristina tuwing gabi?
Dala ang isang maliit na gasera, lihim na lumabas si Ernesto ng mansiyon at nagtungo sa musuleo.
Tahimik na pumasok siya sa loob upang hindi niya magising si Kristina. Habang inililibot ni Ernesto ang liwanag ng gasera sa semento, napansin niya ang isang bahagyang nakaawang na takip sa sahig sa sulok. Isang lihim na pintuan patungo sa ilalim ng lupa.
Bahagyang kumabog ang dibdib ni Ernesto. Marahan niyang inilapag ang takip at dahan-dahan siyang bumaba sa makipot at maalikabok na lagusan. Amoy na amoy ang lumot at amag habang padilim nang padilim sa kanyang paligid. At sa dulo ng pasilyo, sa likod ng mga bakal na rehas ng isang lihim na selda... may nakitang anino ng isang lalaking nakaupo sa semento.
“Sinong nariyan?” nanginginig at pabulong na tanong ni Ernesto habang itinataas ang gasera upang tanglawan ang mukha ng bilanggo.
Dahan-dahang inangat ng lalaki ang kanyang ulo. Nang tumama ang liwanag sa mukha ng bilanggo, halos mabitawan ni Ernesto ang hawak na gasera. Nanlaki ang kanyang mga mata sa matinding gulat at napaatras siya sa kinatatayuan.
“E-Emilio...?” nanginginig na utal ni Ernesto.
Ang mukha ng kanyang namatay na kapatid. Ang eksaktong hugis ng mukha, ang matang kilalang-kilala niya ay buhay na buhay sa harap niya.
Sa unang ilang segundo, naniwala si Ernesto na nababaliw na siya at nakikipagharap sa isang multo sa ilalim ng lupa. Ngunit nang gumalaw ang lalaki, narinig ni Ernesto ang kalansing ng bakal. Nakita niya ang mga totoong sugat sa bukung-bukong nito, ang latay sa dibdib.
“Sino ka?!” sigaw ni Ernesto, na ngayon ay puno na ng kalituhan at matinding kaba. “Bakit... bakit kamukha ka ng kapatid ko?!”
Isang mapait at malamig na ngisi ang sumilay sa mga labi ni Andres habang dahan-dahan siyang tumatayo sa harap ng rehas, hindi ipinahahalata na naputol na pala ang kadenang nakakabit sa kanyang paa.
“Ako si Andres,” malamig at mariing pakilala ng lalaki.
(Itutuloy)
- Latest





















