^

True Confessions

La Viuda (40)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Sa likod ng kusina kung saan tahimik na naghahanda ng almusal, sinubukang tumulong ni Kristina sa pagluluto dahil ayaw niyang mag-asal senyorita sa mansiyon. Ngunit nang magsimula nang maggisa ang isa sa mga kusinera, pilit na iniiwas ni Kristina ang kanyang mukha dahil sa amoy nito. Sumusumpong na naman ang matinding pagbabaliktad ng kanyang sikmura, dahilan upang mapahawak siya sa gilid ng lumang mesa habang nanginginig ang mga binti.

“Kristina?” Dahan-dahang lumapit si Aling Pacing. Bitbit ang baso ng malamig na tubig, inabutan niya ang dalaga at marahang hinaplos ang likod nito habang pinupunasan ang pawis sa noo ni Kristina.

“Inumin mo muna ito...” pabulong at buong pag-aalala ni Aling Pacing. Tinitigan niya ang namumutlang mukha ng dalaga bago bahagyang ngumiti nang may halong lungkot. “Ganyan din ako noong unang linggo ng pagdadalantao ko sa aking anak.”

Napalunok si Kristina dahil kilala niya ang tinutukoy nito... si Andres.

“Lalaki ang naging anak ko...” patuloy ni Aling Pacing­ habang nakatitig sa malayo, nanlalabo ang mga mata sa luhang pilit na pini­pigil. “Si Andres. Napakasipag na bata... Ang tagal ko nang hindi siya nakikita. Ang alam ko lang ay lumuwas siya ng bayan para maghanap ng trabaho, at hanggang ngayon ay wala pa rin akong balita kung saan siya napadpad. Araw-araw kong ipinagdarasal na sana’y ligtas siya kung nasaan man siya ngayon.”

Kumurot ang matinding konsensiya kay Kristina habang nakatitig sa nanginginig na mga kamay ng matanda. Gustung-gusto niyang yakapin si Aling Pacing at sabihing, ‘Nandito lang po si Andres...’ Ngunit mabilis na pumasok ang takot sa isip ni Kristina. Alam niyang kapag nalaman ni Aling Pacing na naroroon lang sa ilalim ang kanyang anak, baka makasagabal ito sa kanilang planong pagtakas. Pilit na pinigil ni Kristina ang sariling luha at hinawakan nito ang kamay ng matanda.

Samantala, sa kabila ng bahagyang nakabukas na pintuan ng kusina, nakatayo si Ernesto. Mula sa kanyang kinatatayuan malinaw na nakarating sa kanya ang pag-aalaga ni Aling Pacing at ang mga pahiwatig tungkol sa pagbubuntis ni Kristina. Napahawak si Ernesto sa kahoy ng pinto habang mabilis na kuma­ka­bog ang dibdib sa matinding tuwa.

Magkakaanak na kami ni Kristina... paulit-ulit na umalingawngaw sa kanyang isip.

Para kay Ernesto, ang nakita at narinig niyang iyon ang huling patunay na kailangan niya. Sa kanyang paniwala, ang batang nasa sinapupunan ni Kristina ay ang kanilang anak mula sa gabing nagkasama sila. Napaatras siya nang dahan-dahan habang nagliliyab ang mga mata sa panibagong determinasyon na mapakasalan at maging asawa si Kristina. (Itutuloy)

LA VIUDA

  • Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with