Apoy Sa Balsa (17)
PARANG sinampal si Rhea sa tindi ng mga salita ni Kael.
Ang lalaking kilala niyang matapang, at walang kinatatakutan ay nakatayo sa harap niya ngayon na sugatan ang pride. Ang inis ni Rhea ay tuluyang naglaho, pinalitan ng isang malalim na kirot sa dibdib.
“Sino namang nagsabi sa ’yo na tagahatid ka lang ng papel?” mahinang bulong ni Rhea, gumaralgal din ang boses. Tumingala siya para salubungin ang madilim na titig ng binata. “Kael, simula nung bumalik ako rito at naiwan kita sa lawa, hindi na ako nakatulog nang maayos. Hindi ako makatutok sa trabaho dahil bawat sulok ng opisina na ’to, mukha mo ang naaalala ko.”
Bahagyang natigilan si Kael. Ang pait sa kaniyang mga mata ay unti-unting napalitan ng pamilyar na init na matagal nang nagpapabilis sa tibok ng puso ni Rhea.
Ibinaba ni Kael ang kaniyang tingin sa mga labi ng dalaga. Unti-unti, nabuwag ang natitirang espasyo sa pagitan nila. Itinukod nito ang isang kamay sa kahon sa likod ni Rhea, tuluyang kinulong ang dalaga sa kaniyang bisig. Sa loob ng madilim at masikip na bodega, muling nawala ang ingay na naglalayo sa kanilang dalawa. Ang tanging naririnig na lang nila ay ang mabilis at sabay na paghinga ng isa’t isa.
Palapit nang palapit ang kaniyang mukha. Naramdaman ni Rhea ang init ng hininga ni Kael sa kaniyang balat, sapat para mapapikit siya at mapahawak sa laylayan ng uniporme nito, sabik at handa na sa muling pagtatagpo ng kanilang mga labi.
Clack!
Isang malakas na kalabog sa pinto ang biglang bumasag sa mahiwagang sandali.
(Itutuloy)
- Latest
















