Darang sa Baga (Ika-182 na labas)

(Kasaysayan ni Nena ng Mandaluyong City)

MADALING binawi ni Sancho ang paglabas ng dila. Siguro’y mannerism lamang niya iyon. Pero may ibig sabihin sa akin iyon. Pilyo ang Sanchong ito, naisip ko.

Una kong nakita si Sancho sa sugalan ng aking kapitbahay. Tong-its ang aming pinaghaharapan doon. Mga addict na sa sugal ang mga taong naroon. Kung titingnan, hindi halatang may sugalan sa bahay na iyon da- hil tipong desenteng apartment. Aakalaing ang mga nakatira roon ay mga estudyante. Hindi mapapansin ang paglabas-masok ng mga taong nagsusugal sapagkat may sekretong daanan pala sa kabilang kalye.

Nagkaharap kami ni Sancho sa unang pagkakataon. Wala lang. Hindi pa nga kami nagpapansinan. Pawang sa pagsusugal at kung paano mananalo nakapokus ang aming atensiyon.

Hanggang sa maputol ang aming pagsusugal sa bahay na iyon sapagkat ni-raid ng mga pulis. Mabuti at wala ako nang mangyari iyon. Kung hindi ay kahiya-hiya. Dinampot pati manunugal at isinakay sa isang van. Hindi ako nakapagsugal dahil kinuha ko sa Marikina ang padalang package ni Ramon. Ang balak ko sa dakong hapon na ako magsusugal pagdating ko mula sa Marikina. Pero inabot ako ng hapon dahil sa trapik. Bukod doon, nahirapan din akong hanapin ang lugar. Pero mabuti nga ang nangyari dahil hindi ako nahuling nagsusugal.

Nawala ang sugalan ng aking kapitbahay pero may bagong lumutang. Mas maganda ang lugar at nakatago.

Pagpunta roon ay nakasabay ko si Sancho. "Magkaklase" pala uli kami.

"Akala ko natiklo ka doon sa dati.." sabi sa akin ng kumag.

"Hindi ah. Ikaw nga ang akala ko e natimbog."

"Me sakit ako noong mag-raid kaya hindi ako nadale. Ikaw?"

Sinabi kong may lakad ako noon."

"E di dito na tayo sa bago."

"Oo."

Iyon ang simula ng paglalapit namin ni Sancho.

(Itutuloy)

Show comments