Yapak sa bubog (Ika-134 Labas)

(Batay sa kasaysayang ipinadala ni Ren E. ng Al-Khobar,Saudi Arabia)

Kinabahan ako nang hindi kasabay lumabas ng tatlong kapatid si Aziza. Baka kung ano na ang nangyayari sa loob ng bahay. Alam kong papasok sa school si Aziza sapagkat nakita ko pa ito sa may bintana, naka-abaya, at nakatingin sa akin. Naisip kong baka tumutulong na ito sa pagkumpronta kay Ellie at sinasaktan na nila ito. Madalas akong makabalita na mga among Saudi na sinasaktan ang kanilang maid. Dinuduraan at sinasabunutan. Meron pa nga raw, binubuhusan ng mainit na tubig. Naidalangin kong hindi sana ginagawa iyon kay Ellie. Kung gagawin nila iyon, baka kung ano rin ang aking gawin. Hindi ko matitiis kung makitang sinasaktan nila si Ellie. Naisip ko rin naman, kung may masamang nangyayari kay Ellie e di sana’y nagtatakbo na ito palabas at humingi ng tulong.

Nasa ganoon akong pag-iisip nang marinig ko ang pagbubukas ng gate. Nakahinga ako ng maluwag nang makita ko ang paglabas ni Aziza. Tuluy-tuloy ito sa loob ng kotse. Mabilis kong pinatakbo ang kotse na ang iniisip ay ang nangyayari sa loob ng bahay.a

Habang tumatakbo ang kotse ay tahimik na tahimik kami. Maging si Muhammad at ang dalawa pang kapatid ay parang mga pinitpit na luya. Walang kakibu-kibo. Katabi ko si Muhammad at paminsan-minsa’y tumitingin sa akin. Guwapo si Muhammad na habang lumalaki ay kamukha ni Sir Al-Ghamdi. Me pagkapilyo lamang si Muhammad. Sinilip ko sa salamin si Aziza. Nakita kong nagbubuklat ng notebook. Hindi marahil napapansin ang ginagawa kong pagsulyap sa kanya.

Nakarating kami sa school. Hinintay ni Aziza na makababa sina Muhammad at saka palihim na may sinabi sa akin. Alam din niya na naghihintay ako ng kasagutan sa mga mangyayari kay Ellie. Matalino si Aziza sapagkat nababasa sa aking mukha ang tungkol sa problemang nilikha namin ni Ellie. Ang hindi ko alam ay kung nasusuklam siya sa akin sapagkat nahuli niya ako na "nakikipagtikiman" kay Ellie. Hindi ko alam kung ano ang itsura ng kanyang mukha sa likod ng abaya. Baka mapakla dahil galit sa akin.

Subalit nagtaka ako nang sabihin niyang huwag akong mag-alala sapagkat tapos na ang problema.

"La ba-as. Haza khata
Ellie," sabi nito. (Si Elllie ang may kasalanan ng lahat.) (Itutuloy)

Show comments