Pagharang sa P85 wage hike pinalagan ni Sen. Raffy!

MANILA, Philippines — Pinalagan ni Senate Committee on Labor & Employment Vice Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang pag-isyu ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152 ng temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng P85 daily minimum wage hike sa Metro Manila.
Ang inihain na petisyon ng Readycon Trading and Construction Corporation at R-11 Builders, Inc. sa Pasig RTC ay ang pipigil sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR at National Wages and Productivity Commission na ipatupad ang inaasahang wage increase hanggang August 13.
Ang dagdag na P85 sa arawang minimum na sahod ay hinati sa dalawang yugto. Ang unang P60 ay sinimulan nang ipatupad noong Hulyo 25 at ang P25 ay ipatutupad simula Enero 1, 2027.
Binigyang-diin ni Sen. Raffy na hindi katanggap-tanggap ang naging hakbang na ito ng korte dahil malinaw na nakasaad sa Article 126 ng ating Labor Code na walang hukuman, tribunal o iba pang kinauukulang awtoridad ang puwedeng magpalabas ng preliminary injunction, permanent injunction o TRO laban sa anumang pagdinig, hakbang o proseso ng mga Regional Wage Boards. Kung mayroon mang apela, dapat ay idinaan ito sa tamang proseso at sa kinauukulang ahensiya na National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Bagamat may karapatan ang bawat mamamayan na maghain ng petition for declaratory relief sa korte kung sa tingin niya ay agrabyado siya sa ilalim ng batas o isang regulasyon, sinabi ni Idol na ang hakbang na ito ay labag sa Labor Code at isang malaking dagok sa kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino.
Maghahain si Sen. Raffy ng panukalang batas para amyendahan ang probisyon sa Article 126 ng Labor Code nang sa gayon ay hindi na magkaroon ng pagkalito sa implementasyon ng batas hinggil sa wage hike.
- Latest


















