Trader, sabog ang ulo sa tandem

MANILA, Philippines — Isang negosyante ang patay makaraang barilin sa ulo ng riding-in-tandem sa harap ng kanyang motor shop, Lunes ng gabi sa Malabon City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “Mark Anthony”, 32, habang nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga pulis laban sa riding-in-tandem na tumakas patungong Langaray St. sa bahagi ng Caloocan City.
Sa report na isinumite ni Malabon City Police chief PCol. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente bandang alas-11 ng gabi kamakalawa sa Blk 8H, Lot 7, Teachers Village, Brgy Longos, ng nabanggit na lungsod. Lumabas ang biktima nang dumating ang hinihintay na delivery rider na may dala sa kanyang biniling produkto.
Ayon sa imbestigasyon nina PMSg Michael Oben at PSSg. Bengie Nalogoc, dumating din noon ang mga suspek na sakay ng motorsiklo kung saan isa rito ang bumaba at bumunot ng baril saka malapitang pinaputukan ng dalawang beses sa ulo ang biktima.
Patuloy ang isinasagawang forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar na makakatulong upang makilala at madakip ang mga salarin.
- Latest



















