Jonvic, magre-resign ‘pag sablay Laos case

MANILA, Philippines — Handa umanong mag-resign si Interior and Local Government Secretay Jonvic Remulla kung mapapatunayang mali o sablay ang kanilang case build up sa P3.5 bilyong Laos drug shipment.
“Kung mali kami sa case build, magre-resign na ko (bukas). We are that confident na tama ang ginawa naming investigation.” ani Remulla.
Kumpiyansa siyang tama ang isinagawang imbestigasyon sa Laos drug shipment at may mga ebidensiya at dokumento silang pinanghahawakan.
Iginiit pa ni Remulla na ang kanilang mga datos at link diagram ay nakabatay sa mga opisyal na dokumento at koordinasyon ng mga awtoridad sa Pilipinas at Southeast Asia.
Naharang ang 521kilo ng shabu sa Luang Prabang International Airport sa Laos na may planong ibiyahe sana patungong Pilipinas noong Oktubre 1, kung saan 13 katao ang naaresto, kasama ang isang Pinoy.
Pinangalanan ni Remulla ang 11 persons of interest kabilang ang dating miyembro ng Bangsamoro Transition Authority Parliament na si Sultan Edrieza Hadji Nasser Rimbang bilang umano’y financier.
Mabigat aniya ang isyu dahil sangkot ang umano’y bilyun-bilyong pisong halaga ng ilegal na droga kaya mahalagang mailahad sa publiko ang mga ebidensiya, resulta ng imbestigasyon, at iba pang impormasyong makatutulong upang malinawan ang buong pangyayari.
- Latest
























