PNP, handa sa ‘worst-case scenario’ sa impeachment verdict

Vice President Sara Duterte attends her office's first budget hearing with the House appropriations committee on August 28, 2024.
House of Representatives / Released

MANILA, Philippines – Inatasan nitong Lunes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang Philippine National Police (PNP) na paghandaan ang posibleng tensyon at “worst-case scenario” habang papalapit ang pagtatapos at pagbaba ng hatol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Anya, anuman ang maging desisyon, magiging emosyonal ang magkabilang panig sa resulta ng paglilitis kaya kailangang manatiling kalmado at neutral ang mga pulis upang maiwasan ang anumang komprontasyon.

Ayon kay Remulla, pangunahing tungkulin ng PNP na tiyakin ang kaligtasan ng publiko, panatilihin ang kaayusan at pigilan ang paglala ng tensiyon na maaa­ring mauwi sa karahasan.

Binigyang-diin nitong dapat na mapanatili ng PNP ang kaayusan at iwasang kumampi sa alinmang panig sa gitna ng sensitibong usaping pampulitika.

Tiniyak naman ni Remulla na nakahanda ang PNP sa anumang posibleng mangyari matapos ang verdict.

Pinaalalahanan din ng kalihim ang mga pulis na manatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin, lalo’t papasok na rin ang election cycle sa susunod na taon.

Nabatid na target ng Senate Impeachment Court na maglabas ng desisyon sa impeachment trial ni Duterte sa Disyembre bago ang nakatakdang holiday adjournment ng Kongreso.

Show comments