5 aspirante sa chief justice sasalang sa interview
MANILA, Philippines — Limang aspirante sa pagka-chief justice ang sasalang sa interview ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Oktubre 22.
Ito ay para sa babakantehing posisyon ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo sa darating na Nobyembre 6, o ang ika-70 edad nito na compulsory retirement age.
Unang iinterbyuhin ang dalawang pinaka-senior na incumbent justice ng Korte Suprema na sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa.
Ang tatlo pang kandidato na susunod na isasalang sa interview ay sina Associate Justice Rodil V. Zalameda, Associate Justice Japar B. Dimaampao , at Associate Justice Jose Midas P. Marquez na itinakda sa Okt. 26.
Ayon sa Korte Suprema, bukas sa media ang panonood ng mga interview. Bibigyan ng hindi bababa sa tatlong oras ang bawat isa kina Leonen at Caguioa na parehong dating appointees ng yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Isusumite ng JBC kay Pangulong Marcos ang nasa 3 nominado para sa appointment.
Samantala, tapos na rin ang interview ng JBC sa 19 aplikante para sa posisyon ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier na magreretiro sa Nobyembre 16, 2026. Kabilang sa aplikante sina CA Presiding Justice Fernanda Lampas Peralta, Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Faith A. Econg, at Solicitor General Darlene Marie B. Berberabe.
- Latest















