Baldwin,‘di agad ipinaalam ang pagkalunod ng 2 players - DILG

MANILA, Philippines — Hindi umano agad ipinaalam ni dating Ateneo Blue Eagles Head Coach Tab Baldwin sa pamunuan ng Ateneo de Manila University ang pagkalunod ng dalawang manlalaro sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Ito ang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na umabot pa ng isa hanggang dalawang oras bago nito ipinalaam kina Ateneo President Fr. Roberto Yap at Athletics Department Head Em Fernandez ang pagkalunod nina Rene Baterbonia at Divine Adili.
“The only time that the head of the athletics department, Mr. Fernandez, and president of Ateneo Fr. Yap found out (was) an hour or two after everything happened that they are dead,” ani Remulla.
Sa halip, si dating Team Manager Christopher “Epok” Quimpo umano ang nagpaalam sa Ateneo officials tungkol sa nangyari.
Giit pa ni Remulla, sumasalamin umano ang insidente sa tila kultura ng basketball program sa ilalim ni Baldwin kung saan hindi naipaaalam sa athletics department ang mga aktibidad ng team.
“Tab is like a god. So whatever he says goes and there were no written applications or information to the athletics department,” dagdag niya.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nagpakita umano ng pagsisisi si Baldwin at naiyak pa nang tanungin ng mga imbestigador tungkol sa sandaling nalaman niyang nawawala ang dalawang manlalaro.
Inirekomenda ng CIDG ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act laban kay Baldwin at 10 miyembro ng coaching staff.
- Latest
















