Julia, inaming naabuso sa pera si Coco

Naging successful ang Swiss Proli, ang binuong negosyo ni Julia Montes kasama ang Chemist at Philanthropist na si Pinky Tobiano, at ang manager ng aktres na si Mac Merla.
At noong Biyernes ay inilunsad nila ang bagong variant pagkatapos ng Swiss Proli Lean at Night, inilunsad naman nila ang Swiss Proli Cell White+. Ito ang kauna-unahang Stem Cell Glutathione Gummy Supplement sa ating bansa.
Ginanap ang launching nito sa Gallio Events Hall sa Parañaque City na dinaluhan ng mga kaibigan, influencers at mga kasamahan nila sa action teleseryeng Sigabo.
Sabi ni Julia nang makatsikahan namin pagkatapos ng programa, marami pa raw aabangan sa binuo nilang variants ng naturang supoplement.
“Actually, marami pa pong surprises. Ayoko lang po mag-spoil, pero marami pa po kaming nire-ready for everybody,” masayang pahayag ni Julia.
Natutuwa nga raw si Coco Martin, at namamangha kung paano ito nagagawa ng aktres. “Actually, napa-proud po siya. Saka ang tanong niya, paano ko nakakaya,” pakli nito.
Bukod sa CEO nitong negosyo nina Julia at Pinky, aligaga rin ang Kapamilya actress sa mga obligasyon niya sa production ni Coco.
Si Julia na ang tumatayong producer ng Sigabo, at head ng finance sa CCM Film Productions.
Kakaibang challenge rin daw ito sa kanya, lalo na’t marami siyang dapat ayusin sa produksyon. “Challenging po siya, naku! Salamat sa Swiss Proli,” bulalas niya nang binati naming kahit ang dami niyang ginagawa, ang ganda pa rin niya.
“Siyempre, we’re doing production po ngayon, and then nag-aartista pa. Pero sabi ko, masarap sa pakiramdam kapag may natatapos ka. And nakikita mo na naging successful. So, laban lang. Pero marami pong challenges. Pero ‘yun naman po. I’m just really happy and lucky na nandiyan po ang ABS-CBN, nakasuporta rin,” sabi niya.
“Typical na nangyayari po sa production, saka sa finance din po. Ako rin po ang finance head. So, medyo dual role tayo rito. Parang doble-kara lang,” dagdag niya.
Nilinaw namin kay Julia ang mga nasagap naming isyu sa nangyayari sa film production ni Coco.
May problema raw talaga na dapat nilang ayusin, lalo na’t naabuso na raw ang pagiging mapagbigay ng partner. Kaya siya na ang humaharap at talagang inaayos nila. “Yes po. I really checked, kasi pinaghirapan po ni Coco lahat na nilalabas din po talaga ng kumpanya. Ang lagi pong iniisip – kung ano ‘yung values ni Coco. Mapagbigay kasi si Coco. Pero, fair lang sana. Kasi masyado nang naabuso si Coco ng maraming tao. So, ang goal ko lang po talaga, kung ano ‘yung tama, ibibigay. Kung ano ‘yung ‘teka lang pag-isipan muna,’” paliwanag niya.
Aminado siyang malaking halaga ang nawala sa production ni Coco. “Malaki po ang nawala at hindi po madali ‘yung journey. Pero we’re very happy and we’re very blessed pa rin at the end of the day. Kasi ang sabi nga po namin ni Coco, it’s a beautiful disaster. Masakit. It’s a betrayal. But at the end of the day, ang sarap sa pakiramdam na ang dami rin pong tumutulong sa amin, expecially ABS-CBN. We’re really guided sa bagong pinapasok naming negosyo.
“Hindi siya madali. Pero may tumutulong para mas maaral pa namin ‘yung industriya. Yes po. Hopefully, tuluy-tuloy pang maging maayos,” saad ni Julia.
Totoo bang may mga tinanggal silang tao sa kanilang film production? “Parte po ‘yun kapag may mga kailangan pong ayusin,” safe niyang sagot sa amin.
Humirit pa rin kami kung handa na ba siyang isa sa mga araw na ito ay lumuhod na si Coco sa harapan niya at mag-propose sa kanya. “Pag-isipan po natin ‘yan,” napangiti niyang pakli.
“Pero kung handa naman po, basta si Coco ‘yan, oo naman siyempre,” dagdag niyang pahayag.
Dahil sa closeness nila ni Pinky, malamang na isa sa ninang ang business partner niya. “Siyempre po!” natatawang sagot sa amin ni Julia.
“With blessings,” malumanay na tugon sa amin ni Pinky.
“Pero Coco is such a good man. Alam mo, si Coco isa sa mga taong hinahangaan ko. Ang puso niya para talaga sa mga taong nangangailangan.
“Alam mo sa set ng Sigabo, I’m so proud of Coco. Mga kasama ko, mga dating artista na binigyan niya ng pagkakataon na magkaroon uli ng pag-asa sa buhay, ‘yan si Coco Martin,” dagdag niya pang pahayag.
Sabi pa ni Julia, may mga iba pa raw silang negosyong gustong simulan. “Medyo kiti-kiti po kami pareho. Lagi naming mindset, basta trabaho, trabaho lang. Mas makapag-ipon pa at makapagprepara pa sa dapat preparahan in the future. Marami pa po kaming business na pinapasok,” sambit ni Julia Montes.
- Latest























